‘Lighter’ (Part 10)
HINDI ko sinabi ang aking balak kina Itay at Inay na ibibigay ko ang isa sa mga lighter na binili ko sa Japan sa nagalit na Pareng Avelino ni Itay. Binalot ko sa isang magandang gift wrapper ang lighter.
Nagtungo ako sa bahay ni Avelino na nasa susunod na barangay. Alam ko ang kanyang bahay dahil minsan ay isinama ako ni Itay doon—matagal na iyon, nasa elementarya pa ako.
Nang makarating ako sa malaking bahay ni Avelino ay nakausap ko ang kanyang maybahay na sa pagkakatanda ko ay Juanita ang pangalan.
“Aling Juanita nandiyan po ba si Mang Avelino?”
Tumingin sa akin si Aling Juanita.
“Di ba anak ka ni Pareng Tonyo?”
“Opo.”
“Ikaw yung maganda ang trabaho sa Maynila?”
“Medyo po.”
“A e wala si Avelino—nasa Maynila at inaasikaso ang pagsakay sa barko.”
“Pakibigay na lamang po kay Mang Avelino.”
“Ano ba ito?”
“Maliit na bagay lamang po galing kay Itay.”
“Aba napakabait naman ni Pareng Tonyo—parega-regalo pa.”
Ngumiti lamang ako.
“Sige po Aling Juanita, aalis na ako.”
“Sige sabihin mo kay Pareng Tonyo na salamat.”
“May sulat din po yan sa loob.”
“Sige.”
(Itutuloy)
- Latest




















