EDITORYAL - Magkaisa ang mamamayan sa paglaban sa mga kawatan

NOONG Lunes, ginunita ang Araw ng mga Bayani. Inalala ang mga ginawang pagpapakasakit at pag-aalay ng buhay ng mga bayaning sina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Antonio Luna, Tandang Sora, Marcelo H. del Pilar, Gregorio del Pilar, Apolinario Mabini, Miguel Malvar at maraming iba pa. Nakipaglaban sila sa mga mapang-aping Kastila at Amerikano para mapalaya ang bayan. Hindi malilimutan at mapapantayan ang ginawa nilang kabayanihan. Ang kanilang pangalan ay nakatatak na sa isipan dahil sa ginawang pagtatanggol sa Inang Bayan.
Ngayon, pagkalipas nang maraming taon, may bagong kalaban ang mamamayan na mas matindi pa sa mga nilabanan ng mga bayani noon. Mga korap at masisiba ang bagong kalaban ngayon na wala nang kahiya-hiya. Sila ang nagpapasasa ngayon sa pondo ng bayan katulong ang mga masisiba sa mga tanggapan ng pamahalaan. Lalong tumindi nang makisawsaw ang mga pulitikong hidhid.
Kamakailan, pinangalanan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang 15 kompanya na nakakopo ng bilyong pisong kontrata para sa flood control projects. Ang 15 kompanya ay ang: Legacy Construction Corporation, Alpha & Omega Gen. Contractor & Development Corporation, St. Timothy Construction Corporation, QM Builders, EGB Construction Corporation, Topnotch Catalyst Builders Incorporated, Centerways Construction and Development Incorporated, Sunwest Incorporated, Hi-Tone Construction & Development Corporation, Triple 8 Construction & Supply Incorporated, Royal Crown Monarch Construction & Supplies Corporation, Wawao Builders, MG Samidan Construction, L.R. Tiqui Builders Incorporated, at Road Edge Trading & Development Services.
Ayon sa Presidente, ang Legacy Construction Corporation, Alpha & Omega Gen. Contractor & Development Corporation, St. Timothy Construction Corporation, EGB Construction Corporation at Road Edge Trading & Development Services, ay may mga flood control projects sa halos lahat ng rehiyon sa bansa.
Sumiklab ang galit ni Marcos nang inspeksiyunin ang flood control project sa Baliuag, Bulacan at walang nakita kahit na isang hollow block doon pero sa report sa DPWH ay completed na raw ang proyekto. Ghost project ang proyekto ayon sa Presidente. Kinumpirma naman ni DPWH Sec. Manuel Bonoan na maraming ghost project sa Bulacan. Pinaiimbestigahan na ang mga contractor at mga opisyales ng DPWH na kasabwat. Hindi lamang sa Bulacan may mga “ghost” flood control project kundi sa marami pang probinsiya gaya ng Oriental Mindoro.
Nagrebelde noon ang mga Pilipino laban sa mga dayuhang mananakop, ngayon dapat nang magkaisa ang mga Pilipino para labanan ang mga masisibang kontratista at ang mga kakutsabang DPWH officials. Hindi dapat tigilan ang paglaban sa mga kawatan.
- Latest















