EDITORYAL — Sana, matulad kay Napoles

ANG mga contractor na nakakopo ng bilyong pisong flood control projects ay walang ipinagkaiba kay “pork barrel queen” Janet Napoles. Iisa ang kanilang layunin—ang makadambong ng pera ng bayan. Pare-pareho rin ang hilatsa ng kanilang mga bituka—walang kabusugan. Mula sa buwis ng taumbayan ang kanilang pinaghati-hatian at sa kabila niyan, hindi sila nasisiyahan.
Maglalaho ang poot ng mamamayan kung ang mga nakinabang sa flood control projects ay daranasin din ang sinapit ni Napoles na mabubulok sa kulungan. Kung makukulong ang mga nakinabang sa pondo para sa flood control projects, lubos na masisiyahan ang mamamayan. Matulad sana ang mga matatakaw na kontratista sa sinapit ni Napoles.
Muling nahatulan ang “pork barrel queen” ng hanggang 55 taong pagkakabilanggo makaraang mapatunayang guilty sa panibagong kaso ng katiwalian kaugnay sa maling paggamit ng P7.55 milyon mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni ex-Davao del Sur Rep. Marc Douglas Cagas IV.
Noong 2023, hinatulan si Napoles at tatlong iba ng 64 na taong pagkabilanggo dahil sa kasong graft at malversation of public funds. May kaugnayan ito sa illegal disbursement ng P20 milyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni dating South Cotabato Rep. Arthur Pingoy. Pinawalang sala naman ng Sandiganbayan si Pingoy.
Unang hinatulang guilty si Napoles noong Disyembre 2018 dahil sa plunder sa pork barrel scam na nagkakahalaga ng P10 bilyon na minaniobra niya noong 2013 dahil sa paggamit ng pekeng non-government organizations (NGOs). Nabulgar ang raket ni Napoles dahil sa pinsan niyang si Benhur Luy. Nadawit si dating Senator at ngayo’y chief presidential counsel Juan Ponce Enrile, Senators Jinggoy Estrada at Bong Revilla na inakusahan ng Office of the Ombudsman ng plunder at graft. Nakulong ang tatlo pero nakalaya rin.
Pagdurusahan ni Napoles nang maraming taon ang ginawang pagnanakaw sa pondo ng bayan. Maaring sa bilangguan na siya abutan nang paglubog ng araw. Sana makasama ni Napoles ang mga nakinabang sa pondo para sa flood control projects. Labinlimang kompanya na nakakuha ng contract sa DPWH na nagkakahalaga ng bilyong piso ang pinangalanan ni President Marcos Jr. Nabulgar din na pawang “ghost” flood control projects ang karamihan sa mga ito.
Naparusahan si Napoles dahil sa pagnanakaw ng pera ng bayan, dapat ganito rin ang sapitin ng mga masisibang contractor at pati na rin ang mga buwayang DPWH officials.
- Latest




















