‘Singsing’ (Part 19)
“MAUPO ka Ram. Kukuha lang ako ng kape at cassava cake na ginawa ko,’’ sabi ni Cora nang nasa salas na kami.
“Wow paborito ko ang cassava cake.’’
“Masasarapan ka sa ginawa ko,” sabi ni Cora at tinungo ang kitchen.
Pagbalik ay dala na sa tray ang umuusok na kape at cassava cake. Ibinaba sa center table.
“Kumain ka muna ng cassava cake. Masarap yan.”
“Mukhang masarap nga.”
Kumutsara ako ng cassava cake. Isinubo.
“Masarap nga!”
“Sariwa kasi ang balinghoy na ginamit ko. Galing ang balinghoy sa probinsiya.”
“Tanim n’yo ang balinghoy?”
“Oo. Nakabili kasi ako ng ilang ektaryang lupain at pinataniman ko ng ilang-ilang at balinghoy.”
“Bakit ilang-ilang?”
“Dahil sa bulaklak—ginagawang perfume ang oil. Mahal ang per kilo ng bulaklak. Pinapakyaw na ngayon ang mga bulaklak. Malaking pera ang kikitain. Sa ilalim ng mga ilang-ilang, pinataniman ko ng balinghoy. Mahal din ang starch ng balinghoy kaya naisipan kong magkaroon ng farm.”
“Negosyante ka pala.”
“Hindi naman gaano. Maparaan lang ako at madiskarte kaya kumikita.”
“Bakit kaya pinagtaksilan ka pa ng boyfriend mo e ang husay-husay mo sa buhay. Bihira na ang katulad mo Cora.”
Hindi nagsalita si Cora. Nakatingin lang sa akin.
Hanggang maalala ko na baka may nasaling nang banggitin ko ang dating boyfriend.
“Sorry, Cora. Hindi ko sinasadya.”
“Okey lang Ram. Wala kang dapat alalahanin.”
“Hindi ko kasi napigil ang sarili dahil galit ako sa mga lalaking manloloko,” sabi ko.
(Itutuloy)
- Latest



















