‘Singsing’ (Part 10)
NAGPATULOY sa pagkukuwento ni Cora. Emosyonal siya. Tahimik akong nakikinig.
“Dati akong nurse sa isang malaking ospital sa Riyadh. Doon ko nakilala ang lalaking nanloko sa akin—isa ring nurse. Maganda ang relasyon namin. Limang taon ang aming relasyon. May balak na nga kaming magpakasal. Mayroon na kaming naipon para sa isang maayos na kasal.
“Isang taon bago ang nakatakda naming plano, sinabi niya sa akin na magbitiw na ako para mag-asikaso ng aming kasal. Dahil may naipon na rin naman ako ay may naitayong negosyo sa probinsiya, sinunod ko siya. Tinapos ko ang kontrata.
“Sabi ng boyfriend ko susunod na siya sa akin after six months. Naniwala naman ako. Pero after six months, hindi siya umuwi. Ang sabi sa akin, kulang daw ang nurse kaya hindi siya pinayagang mag-exit.
“Naunawaan ko naman siya. Alam kong nangyayari iyon. Sabi ng boyfriend ko, mai-extend siya ng another six months. Pero huwag daw akong mag-worry dahil tuloy ang kasal namin. Ipagpatuloy ko raw ang pag-aasikaso ng mga kailangan para sa aming kasal.
“Ako namang si gaga, inasikaso ang aming pagpapakasal. Excited pa nga ako sa aming wedding. Talagang tuloy na tuloy na.
“Pero muling sumapit ang ikaanim na buwan at alam ko, exit na talaga siya. Pero sabi niya, extend daw uli ng another six months.
“Nagduda na ako. Tinawagan ko ang dating kasamang nurse. Shock ako sa nalaman kung bakit laging postpone ang pag-exit ng aking boyfriend.”
“Anong dahilan?”
Sa halip na sumagot, umiyak si Cora. (Itutuloy)
- Latest















