Puwede bang tumanggi sa paglipat?
Dear Attorney,
May redundancy daw sa department namin kaya sinabihan ako ng aking employer na ililipat ako ng ibang departamento pero sa parehong kompanya pa rin ako. Puwede ba akong tumanggi? At kung tumanggi ako, may karapatan ba ako sa separation pay? — Wendy
Dear Wendy,
Base sa iyong inilahad, mukhang hindi naman katulad ng redundancy na mababasa sa Labor Code ang binabanggit mo. Ang redundancy kasi, sa ilalim ng ating batas, ay ang pag-terminate sa isang empleyado dahil sobra na ang bilang ng tao o posisyon kumpara sa kinakailangan ng negosyo.
Sa iyong sitwasyon, hindi ka naman tinatanggal ng iyong kompanya at sa halip ay ililipat ka lamang sa ibang departamento kaya walang masasabing termination dahil sa redundancy. Dahil dito, wala akong nakikitang basehan para ikaw ay bayaran ng separation pay.
Ukol naman sa kung ikaw ba ay may karapatang tumanggi sa paglipat sa iyo, may karapatan ang employer sa ilalim ng tinatawag na management prerogative na i-reassign ka sa ibang departamento kung para ito sa kapakanan ng negosyo.
Hindi ka maaaring basta-basta tumanggi sa transfer kung mananatili naman sa dati ang antas ng iyong posisyon, suweldo, at mga benepisyo, at kung ang paglilipat ay makatwiran at hindi magreresulta sa demotion.
Maaari mo lamang kuwestiyunin ang paglipat sa iyo kung ito ay bunsod ng masamang layunin (katulad ng para mapilitan kang mag-resign) o kung ang employer ay wala namang makatwiran at makatarungang dahilan para sa paglilipat sa iyo.
- Latest
















