EDITORYAL - Bangis ng leptospirosis

PATULOY sa pagdami ang kaso ng leptospirosis sa mga lugar na grabeng naapektuhan ng baha noong Hulyo 21. Eksaktong dalawang linggo mula ng manalasa ang bagyong Crising at habagat na nagdulot nang pagbaha, lumutang na ang ma sintomas ng leptospirosis. Ayon sa DOH, karaniwang dalawang linggo bago maranasan ang mga sintomas ng sakit.
Kahapon, marami na namang pasyente ang dinala sa San Lazaro Hospital. Marami rin ang dinala sa National Kidney and Transplant Institute. Sinabi ng DOH na 10 na ang namatay dahil sa sakit.
Sa Quezon City naitala ang 115 kaso ng lepto. Dumagsa rin naman ang mga pasyenteng may leptospirosis sa emergency room ng Philippine General Hospital. Bukod sa leptospirosis, marami rin ang nagka-pneumonia. Umapela ang DOH sa publiko, na sa ibang ospital dalhin ang mga pasyenteng may leptospirosis dahil punumpuno na ang kanilang ER. Marami naman umanong public hospital na maaaring pagdalhan sa pasyente.
Sa kabila nang panawagan ng DOH sa mamamayan na huwag lulusong sa baha kapag may sugat sa paa at binti, hindi rin ito nasunod kaya dumami ang kaso. Hindi rin naman napagbawalan ang mga bata na maligo sa baha na kontaminado ng ihi ng daga. Minsan nang sinabi ng DOH na isusulong nila sa local government units (LGUs) na gumawa ng ordinansa nagbabawal sa paliligo sa baha. Nang bumaha noong Hulyo 21 sa Metro Manila at marami pang lugar dahil sa bagyong Crising at pananalasa ng habagat, marami ang napilitang lumusong sa baha. Katwiran ng iba ay hindi sila kakain kung hindi susuungin ang baha. Kaya, pikit-matang lumusong ang marami sa hanggang dibdib na baha.
Payo ng DOH, kung lulusong sa baha, magsuot ng bota. Ang mga lumusong sa baha ay pinapayuhan na uminom ng gamot laban sa lepto.
Ayon sa DOH, ang mga sintomas ng leptospirosis ay lagnat, panginginig ng katawan, pananakit ng binti, kalamnan, at kasu-kasuan, pamumula ng mga mata, paninilaw ng balat, pananakit ng ulo at kulay tsa ang ihi. Kapag nakaranas ng mga ito agad na magtungo sa ospital. Hindi dapat ipagwalambahala ang sakit na ito. Kapag tinamaan ng leptospirosis, naaapektuhan o nasisira ang kidney kaya isinasailalim sa dialysis ang pasyente. Mag-ingat sa bangis ng leptospirosis.
- Latest















