^

Punto Mo

Malaya na tayong kumain ng itlog?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

NABALITA kamakailan ang resulta ng isang bagong pag-aaral mula sa University of South Australia (UniSA): hindi raw nakakapagpataas ng masamang cholesterol ang itlog. Sa halip, ang tunay na dapat sisihin ay ang mga pagkaing mayaman sa taba, partikular na sa tinatawag na saturated fat—gaya ng bacon, longganisa, at hotdog—na nagpapataas ng panganib sa mga sakit sa puso.

Ang cholesterol ay isang klase ng “malagkit” na substance sa dugo at kailangan ng katawan para makabuo ng malulusog na cells. Pero kapag sumobra ito, lalo na ang uri na dumidikit sa dingding ng mga ugat, maaaring humantong sa pagbabara ng daluyan ng dugo at magresulta sa atake sa puso o stroke.

May dalawang uri ang cholesterol. Ang tinatawag na “bad cholesterol” (LDL o low-density lipoprotein) ay maaaring bumara sa ugat kapag naparami. Sa kabilang banda, ang “good cholesterol” o HDL (high-density lipoprotein) ay tumutulong linisin ang dugo sa mga sobrang LDL.

Sa nasabing pag-aaral ng UniSA, lumabas na kung kakain ng dalawang itlog sa isang araw—basta’t hindi ito sinasabay sa mga pagkaing mamantika at mataba—maaari pa nga raw bumaba ang lebel ng masamang cholesterol. Ayon sa mga researcher, mataas nga ang cholesterol ng itlog pero mababa naman sa saturated fat. Kaya kung kontrolado ang diet, hindi raw dapat katakutan ang itlog.

Ibig sabihin, ang problema ay hindi ang itlog kundi ang karaniwang isinasabay natin dito sa almusal—tulad ng bacon, longganisa, hotdog, tapa, corned beef, at mga delatang karne. Lahat ng iyan ay karaniwang may mataas na saturated fat—‘yung uri ng taba na nagpapakapal ng dugo at nagpapataas ng tsansang maatake sa puso. Ang mantikang galing sa taba ng baboy, full cream milk, mantikilya, at ilang baked goods gaya ng mamon at ensaymada ay may ganitong klase rin ng taba.

Sinabi ng lead researcher ng UniSA, si Professor Jon Buckley, na panahon nang balikan at pag-isipang muli ang reputasyon ng itlog. Aniya, napag-initan ito noon dahil mataas sa cholesterol, pero hindi nabigyang-linaw ang mas malaking papel ng saturated fat bilang pangunahing dahilan ng sobrang cholesterol sa dugo.

Marami pa ring umiiwas sa pula ng itlog dahil sa taglay nitong cholesterol. Kaya sa almusal, itlog na puro puti lang ang kinakain ng ilan—lalo na kung may problema sa puso. May katwiran din ito sa ilang kaso, lalo na kung may payo ng duktor. Pero dapat ding malaman na sa pula ng itlog nakukuha ang maraming bitamina at sustansya tulad ng vitamin A, D, at iron—mga bagay na wala sa puti.

Sa mga pagkaing tulad ng tortang talong, embutido, pansit, cake, o leche flan—hindi natin alam kung buong itlog ba ang ginamit o puti lang. Kaya sa huli, ang mahalagang prinsipyo ay hindi ang “puti o pula” kundi ang balanse. Ang itlog ay hindi masama, pero gaya ng kahit anong pagkain, kapag sumobra, nagiging problema.

Gayunman, kailangan pang maberipika sa mga hiwalay na pananaliksik ang naturang pag-aaral ng UniSA para mapagtibay. Mainam ding kumunsulta sa doktor hinggil sa pagkain ng itlog, lalo na kung may karamdamang may kaugnayan sa cholesterol, tulad ng sakit sa puso.

 

Email: [email protected]

EGG

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with