EDITORYAL - Banta uli sa palay traders

BINANTAAN ni President Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang SONA noong Lunes ang mga korap na opisyal na nagbubulsa ng pondo para sa flood control project. Sabi niya sa mga ito: “mahiya naman kayo!”. Binantaan din niya ang mga magtatangka ng anumang congressional insertions na hindi naka-align sa National Expenditure Program (NEP) para sa 2026 National Budget.
Marami pa siyang binantaan at binalaan. Pero ang ginawa niyang pagbabanta sa mga ganid na palay traders ay ilang beses na rin niyang ginawa. Pinagbantaan na niya ang mga ito kasama ang mga smugglers ng agricultural products at mga hoarders.
Pero walang nangyayari sa kanyang mga banta kaya patuloy ang mga suwapang na palay traders sa pagpapahirap sa mga kawawang magsasaka. Wala pang nasasampolang traders kaya patuloy na lugmok sa kahirapan ang mga magsasaka. Nababaon sila sa utang sapagkat binabarat ang kanilang aning palay. Nagkagastos sila nang malaki sa pagtatanim, pag-aalaga, paglalagay ng pataba, insecticides, bayad sa patubig at iba pa subalit bibilhin lamang sa kanila ng P11 hanggang P15 per kilo ang palay. Paano makababawi ang mga magsasaka sa ginastos nila? At ngayong pininsala ng baha ang kanilang tanim na palay hindi nila alam kung paano makababangon.
Ang kailangan ngayon ng mga magsasaka ay ayuda mula sa pamahalaan. Kung hindi tutulungan ang mga magsasakang naapektuhan ng kalamidad, paano pa maipagpapatuloy ang P20 per kilong bigas na inilunsad noong Mayo. Saan kukuha ng ibebentang bigas kung hindi aayudahan ang mga magsasaka. Lahat nang P20 per kilong bigas na ipinamamahagi ay nagmula sa ani ng mga magsasaka. Sabi ng Presidente sa kanyag talumpati, kaya raw ng pamahalaan na ma-sustain ang P20 per kilong bigas hanggang 2028 na pagtatapos ng kanyan termino. Nailunsad na raw ito sa Luzon, Visayas at Mindanao. Nakapamahagi na sa Pangasinan, Cavite, Occidental Mindoro, Cebu, Bacolod, Guimaras, Siquijor, at Davao Del Sur.
Ayon pa sa Presidente, napatunayan na raw na kaya na ang bente pesos per kilo ng bigas nang hindi malulugi ang mga magsasaka. Naglaan na raw ng P113 bilyon upang palakasin ang mga programa ang Department of Agriculture at ilulunsad na sa buong bansa sa pamamagitan ng daan-daang KADIWA store at center sa iba’t ibang lokal na pamahalaan. Binalaan niya ang mga trader na magtatangkang magmanipula ng presyo ng palay o ng bigas, o manloloko ng mga magsasaka. Hahabulin daw ang mga ito.
Marami nang pagbabanta sa mga ganid na palay traders subalit walang epekto. Hindi sila natatakot. Kawawa ang mga magsasaka na binabarat nila. Dapat tapangan pa ang banta para sila masindak.
- Latest















