‘Baha’ (Part 8)
NAG-IISANG babae ang nasa loob ng kotse. Ang drayber ay may edad ng lalaki. Malakas ang agos sa bahaging iyon ng kalsada sa kanto ng Antipolo St. at Dapitan dahil mayroong creek. Mabilis na inaanod ang kotse na parang balsa na lulutang-lutang. Kahit mataas ang harang sa creek ay patuloy pa ring inaanod ang kotse.
Sa pagkakataong iyon ay ang pagtulong sa kapwa ang nanaig sa akin. Kailangang saklolohan ko ang babae na noon ay kumakaway at tila sumisigaw. Palagay ko ay hindi niya mabuksan ang bintana ng kotse dahil sa pagkataranta. Ang may edad na drayber ay hindi naman malaman ang gagawin at nataranta nang pumasok ang tubig sa loob.
Sa isang iglap ay nakalapit ako sa kotse nang mapasabit ang gulong nito sa barrier na nasa pampang. Hanggang dibdib ang tubig at nag-aalimpuyo ang agos. Kung hindi sumabit ang gulong sa barrier ay nagdere-deretso na marahil sa creek at dadalhin na ng agos sa kung saan-saan.
Mabilis kong nabuksan ang pinto ng kotse sa hulihang upuan na kinaroroonan ng babaing pasahero.
Nailabas ko ang babae at dinala sa mababaw na bahagi ng kalsada. Pagkatapos ay binalikan ko ang matandang drayber at nailabas siya sa kotse. Dinala ko ang matanda sa kinaroroonan ng babae niyang pasahero.
Pagod na pagod ako sa nangyari. Ang pinagtaka ko, nawala ang takot ko sa baha! (Itutuloy)
- Latest


















