Flocerfida (94)
BUMABA si Kikoy sa kanto ng Forbes at Dapitan. Doon niya uumpisahan ang paghahanap sa bahay ni Florenz. Hindi rin naibigay ni Fidel ang number ng bahay ni Florenz dahil naiwala niya ang papel na pinagsulatan. Ang isang palatandaan na sinabi ni Fidel ay malapit sa bakery ang bahay. Mga ilang kalye raw ang layo sa Kundiman St.
Nasaan kaya ang Kundiman? Ngayon lang nagawi si Kikoy sa Dapitan. Ayon sa narinig niya, mahaba ang Dapitan. Tumatagos daw ito hanggang sa Quezon City.
Nagsimula nang maglakad si Kikoy. Dapat lang na maglakad siya para nakikita ang mga dinaraanang kalye. Kung sasakay siya ng dyipni, baka mapalampas siya.
Habang naglalakad ay binabasa niya ang mga pangalan ng kalye na dinaraanan. Nabasa niya ang Miguelin St., Antipolo St. at Ibarra St.
Lakad pa siya. Saan kaya ang Kundiman St.
Nang hindi makita, nagtanong na siya sa isang lalaki.
“Sir saan ba ang Kundiman St.?”
“Yung sunod na kalye.”
“May malapit bang bakery dun?”
“Oo.”
“Salamat Sir.”
Tinungo niya ang Kundiman St. Malapit daw sa bakery ang bahay ni Florenz.
Sana makita na niya. Napapagod na siya.
(Itutuloy)
- Latest


















