Bato mula sa Mars, ipinasusubasta sa New York sa halagang $4-M!
Isang pambihirang bato na pinaniniwalaang pinakamalaking piraso ng planetang Mars na natagpuan sa Earth ang naging sentro ng isang malaking subasta sa Sotheby’s sa New York.
Ang meteorite, na may bigat na 25 kilos (54 pounds) at may technical name na NWA 16788, ay tinatayang may halagang aabot sa $4 million.
Ayon sa Sotheby’s, ang bato ay tumalsik mula sa Mars matapos itong tamaan ng isang malaking asteroid.
Naglakbay ito ng tinatayang 225 million kilometers bago bumagsak sa Sahara desert sa Nigeria, kung saan natagpuan ito ng isang meteorite hunter noong Nobyembre 2023.
Kinumpirma ang pinagmulan nito matapos ipadala ang maliit na bahagi nito sa isang laboratoryo. Inihambing ang chemical composition nito sa mga datos na nakuha ng Viking space probe na lumapag sa Mars noong 1976.
Natukoy na ito ay isang “olivine-microgabbroic shergottite,” isang uri ng Martian rock na nabuo mula sa mabagal na paglamig ng magma sa Mars.
Sa mahigit 77,000 na meteorite na opisyal na kinikilala sa Earth, tinatayang 400 lamang ang nagmula sa Mars, na nagpapakita kung gaano kapambihira ang naturang bato.
- Latest




















