Pagpili sa empleyadong tatanggalin
Dear Attorney,
Kapag magtatanggal po ba dahil sa retrenchment, posible ba na isang empleyado lang ang matanggal kahit apat sila sa same position na gumagawa ng parehas na trabaho? — Daniel
Dear Daniel,
Oo, posibleng may isa lamang na matanggal na empleyado kahit marami naman ibang nasa katulad na posisyon pero dapat ay may sapat na dahilan sa pagpili kung sino sa mga empleyado ang maaapektuhan ng retrenchment.
Ayon sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong La Consolacion College of Manila v. Pascua [828 Phil. 182 (2018)], kailangang patunayan ng kumpanyang nagsasagawa ng retrenchment na ito ay gumamit ng makatarungan at makatwirang pamantayan sa pagtukoy kung sinu-sino sa mga empleyado ang mananatili at kung sinu-sino ang mawawalan ng trabaho.
Ilan sa mga maaring gamitin na batayan ay ang employment status (halimbawa: temporary, casual, regular o managerial), kahusayan sa trabaho, tagal ng panunungkulan, kalagayan ng kalusugan, edad at maging ang antas ng pangangailangang pinansyal ng empleyado.
Sa madaling salita, dapat ay may malinaw at makatwirang batayan ang kumpanya sa pagpili ng mga empleyadong matatanggal dahil sa retrenchment.
Kaya oo, puwede na ilan lamang sa mga empleyado ang maapektuhan ng tanggalan pero kung ang retrenchment ay isinagawa ng walang kahit anong makatarungang pamantayan sa pagpili ng mga ire-retrench, ang employer ay maaring maharap sa reklamong illegal dismissal.
- Latest



















