Contract of sale o contract to sell?
Dear Attorney,
Ano po ba ang pinagkaiba ng contract of sale at contract to sell? Paano ko malalaman kung contract to sell lamang ang kontrata at hindi contract of sale? — Billie
Dear Billie,
Ang contract of sale at contract to sell ay parehong uri ng kasunduan na may kinalaman sa pagbebenta, ngunit magkaiba ang epekto at legal na implikasyon ng bawat isa.
Sa contract of sale, may agarang paglipat ng pagmamay-ari sa bagay na ibinebenta kapag nagkasundo na sa presyo at bagay, at ito ay naibigay o nai-deliver na. Ang pagbabayad ng presyo ay maaaring gawin agad o sa hinaharap, pero kahit pa hindi pa bayad (o hindi pa buo ang bayad), lumilipat na ang pagmamay-ari sa bumili basta’t nai-deliver na ang bagay na ibinenta.
Sa contract to sell, walang agarang paglipat ng ownership o pagmamay-ari. Bago mailipat ang ownership, may kondisyon na kailangang matupad muna bago ito mangyari.
Kadalasan, ang kondisyong ito ay ang full payment ng presyo ng bagay na ibinenta. Sa ganyang partikular na sitwasyon, ang pagmamay-ari ay hindi pa lumilipat sa buyer kahit pa may downpayment, hangga’t hindi pa bayad nang buo ang preso. Karaniwan ito sa mga bentahan ng real estate o installment purchases ng kotse o bahay.
Ano ang mga palatandaan na contract to sell lamang ang kontrata at hindi contract of sale? Katulad ng nabanggit, may nakasaad na kondisyon sa kontrata bago ilipat ang pagmamay-ari, gaya ng: “ownership shall be transferred only upon full payment of the purchase price” o ang titulo ay maililipat lamang sa buyer matapos mabayaran ang kabuuang presyo ng bagay na ibinebenta.
Madalas ay nakasaad din sa kontrata na “the seller retains ownership until full payment is made” o mananatili sa seller ang pagmamay-ari ng ibinebentang bagay hangga’t hindi ito nababayaran nang buo.
Kung hindi ka sigurado ukol sa kasunduang papasukin mo, pinakamainam na ipasuri sa isang abogado ang kontrata bago mo ito pirmahan upang maging malinaw ito sa iyo, lalo na kung angkop ba ang mga nilalaman nitong probisyon sa mga kagustuhan mo.
- Latest
















