Ang maestrang mahilig manghiya
Si Kate Winslet ang gumanap na leading lady ni Leonardo DiCaprio sa Titanic noong 1997. Noong nag-aaral pa, lagi siyang pinag-initan ng kanyang maestra. Mainit na mainit ang dugo nito sa kanya. Nararamdaman ni Kate na lagi itong humahanap ng “butas” para siya mapagalitan at ipahiya sa harap ng kanyang mga kaklase. Ang totoo, ito ang pinakamalungkot niyang karanasan noong bata pa.
Artista na siya at sikat na nang makita niya ang maestrang ito sa isang mall minsang namimili silang mag-ina. Ang maestra ay isa na ngayong saleslady sa cosmetic section. Naramdaman ng mommy ni Kate na may kamalditahan siyang binabalak sa dating maestra kaya pinigilan siya nito. Pero itinuloy pa rin ni Kate ang paglapit.
“Hello…” bati ni Kate sa dating maestra.
Tinitigan muna siya ng maestra mula ulo hanggang paa at saka sumagot nang hindi man lang ngumingiti.
“Oh, mukhang asensado ka na!”
“Yes, artista na ako…at ikaw naman ay nagtitinda ng make-up. Bakit hindi ka na nagtuturo?” Tinitigan ni Kate ang maestra. Mata sa mata. Hindi na niya hinintay na sagutin ang katanungan niya. Muli siyang nagsalita. “Actually, nilapitan kita para pasalamatan…for being such a bitch, because it made me stronger!”
Hindi nakakibo ang maestra. Mukhang nabigla sa mga pangyayari.
Ako ay mayroon ding karanasan. Isang maestra sa elementarya ang laging nanghihiya sa akin, halos araw-araw ng buong school year. Laging humahanap ng butas para magkaroon ng pagkakataong ipahiya ako. Sa puso ng isang bata, iyon ay napakabigat para niya dalhin ang impiyernong buhay habang siya ay nag-aaral.
Nang nagkaroon kami ng reunion noong 2023 at nagkakuwentuhan ang mga dating kaklase, ang ilan sa kanila ay madalas din palang ipahiya ng maestrang ito. Palibhasa ay busy ako sa “paghilot” ng sugat na idinudulot ng pamamahiya sa akin, hindi ko napansin na ilan pala kaming pinagmamalupitan ng maestrang iyon. Umatend ang maestrang iyon sa aming reunion. Walang kamalay-malay na sa aming umpukan, siya at ang kalupitan niya ang aming pinag-uusapan.
“It’s always been a mystery to me how people can respect themselves when they humiliate other humans.” – Mahatma Gandhi
- Latest















