Libel kahit ‘private’ ang chat?
Dear Attorney,
Nais ko pong malaman kung puwede ba akong magsampa ng libel dahil sa ilang mapanirang mensaheng ipinost ng aking katrabaho sa aming private group chat. Posible po bang magdemanda ng libel kahit “private” ang chat? —Gaile
Dear Gaile,
Dahil nabanggit mong sa group chat ipinost ang mapanirang message, ipagpapalagay kong may iba pang nakabasa sa paninira bukod sa iyo.
Importanteng detalye ito dahil kailangang may iba pang tao na may alam ukol sa paninirang sinasabi mo.
Upang masabi kasing may libel, mapa-online man o hindi, kailangang may iba pang tao na nakabasa o nakaalam ng mapanirang pahayag bukod sa gumawa nito at sa taong diumano’y sinisiraan.
Sa kaso ng Alonzo v. Court of Appeals (311 Phil. 60, 73 [1995]), nilinaw ng Korte Suprema na ang isa sa mahalagang elemento ng krimen ng libel ay kung may nakabasa bang ibang tao bukod sa gumawa ng paninira at sa pinatutungkulan nito.
Hindi dapat ang biktima lamang ang nakabasa sa paninira; dapat ay may ibang tao rin na nakaalam nito upang masabing may naging paninira sa reputasyon ng biktima. Ang reputasyon kasi ay nakabatay sa pagtingin ng kapwa at hindi sa sariling paniniwala ng isang tao tungkol sa sarili niya.
Samakatuwid, kung mapatutunayan mong bukod sa iyo at sa nagpadala ng mapanirang mensahe ay may iba pang miyembro ng chat na nakabasa nito, maaaring maging batayan ang naturang mga mensahe upang magsampa ng kasong libel kahit pa ang pinag-uusapang mensahe ay nasa loob ng isang “private group chat”.
- Latest















