‘Kutsara’ (Part 5)
HINDI ko inaasahan na mauulit kinabukasan ang naranasan kagabi.
Dahil ako ang huling naiiwan sa boarding house sa umaga—alas nuwebe ang pasok ko—nag-iisa na lamang ako. Nagluluto ako ng almusal sa dirty kitchen. Karaniwang scrambled eggs at fried rice ang niluluto ko.
Natapos ko nang iluto ang itlog at fried rice at nagtitimpla ako ng kape. Pagbalik ko sa mesa para ipatong ang mainit na kape, biglang may bumagsak na kumpol ng kutsara sa likuran ko. Nagkalansingan!
Nang tingnan ko ang sahig, walang mga kutsara roon! Halos katulad na katulad nang nangyari kagabi na isang kumpol ng kutsara ang bumagsak din sa sahig.
Kinilabutan ako. Ikalawang beses nang nangyayari ito. Ang matindi, wala namang kutsara na nalaglag sa sahig.
Wala namang ibang tao sa boarding house kundi ako. Ano itong nangyayari na parang may naglalaro sa akin?
Ganunman, ipinagpatuloy ko ang pagkain. Kailangang pumasok ako sa klase.
Nang aalis na ako at ini-lock ang pinto, biglang may bumagsak na mga kutsara sa loob.
Binuksan ko muli ang pinto. Wala namang mga kutsara sa sahig!
(Itutuloy)
- Latest


















