Mayang (3)
“KAILAN po namatay si Dong, Tatay Victor?” tanong ni Kikoy na hindi makapaniwala.
“Mag-iisang taon na. Sa Saudi siya namatay—atake sa puso.”
Lalong nabalot ng pagtataka si Kikoy. Kung mag-iisang taon nang namamatay si Dong, yun din ang panahon na nagdaranas siya ng mga problema dito sa Pinas dahilan para hindi na siya nagbalik sa Saudi. Maaaring kararating lang niya sa mula sa Saudi nang mamatay naman si Dong.
“Anong buwan po namatay si Dong, Tatay Victor?” tanong niya.
“Enero.”
“Disyembre po ako umuwi ng Pinas at ipinadala nga niya sa akin ang sulat na ito. Nagpresenta po ako na dadalhin dito pero nagkaroon po ako nang mabigat na problema.”
“Wala naman siyang nabanggit na may pinadala siyang sulat. Kung minsan kasi malihim ang anak kong yun. Hindi nagsasabi ng mga nangyayari sa buhay niya.”
“Paano po naipadala ang bangkay ni Dong dito?”
“Pagkaraan ng isang buwan, natanggap namin ang bangkay. Isang kasamahan sa trabaho ang naghatid. Ipinadala naman ng kompanya ang retirement pay ni Dong. Pero naubos din agad dahil sa dami ng utang na binayaran.”
“Mabait po si Dong at walang bisyo, Tatay Victor.”
Hindi nagsalita si Tatay Victor at tumingin lang sa apo na kanina pa nakikinig.
“Humihingi po ako nang paumanhin dahil ngayon ko lang nadala ang sulat niya Tatay Victor. Talaga pong nagdaan ako sa matinding problema kaya hindi ko ito nadala.”
“Okey lang yun. Hindi mo naman aakalain na magkakaroon ka ng problema.”
“Salamat po.”
“Ano naman kaya ang laman ng sulat na ito? Makapal ah.”
“Oo nga po.”
“Sa Maynila ka pa ba galing n’yan?”
“Opo.”
“E panhik ka muna at dito ka na kumain.” (Itutuloy)
- Latest

















