‘Anting’ (Part 5 )
EXCITED kami nina Larry at Totoy sa paghahanap ng anting sa paligid ng higanteng balete. Kanya-kanya kaming hukay. May dala kaming tig-isang shovel para maging mabilis ang paghahanap.
Ayon sa pagkukuwento ng aking lolo na ipinasa naman sa aking tatay, hindi naman talaga kailangang gamitan ng panghukay dahil talagang nakalapat lang sa lupa ang mga anting na karaniwang hugis trianggulo na naglilitawan mula Lunes hanggang Biyernes Santo.
Ang lugar na napuwestuhan kong paghukayan ay may damo na hanggang tuhod ang taas. Kailangan ko pang magtabas gamit ang aking itak. Karaniwang mga damong kulapi ang aking tinabas.
Matapos kung tabasin ang mga kulapi ay nagsimula na akong maghukay. Marahan ang aking paghuhukay at baka matamaan ko ang anting ay masira at mawalan ng bisa. Ayon sa aking ama, bilin daw ni Lolo Pablo sa mga maghahanap ng anting na pag-ingatan ang paghuhukay. Kapag daw tinamaan ang anting ay mawawalan ito ng kapangyarihan.
Nagpatuloy ako sa maingat na paghuhukay. Tahimik kaming tatlo sa paghuhukay at pawang huni ng batu-bato, kamokon at uwak ang maririnig.
Makalipas ang siguro ay isang oras na paghuhukay, wala akong nakitang anting.
Tagaktak ang pawis ko. Uhaw na uhaw. Hindi ko itinotodong inumin ang baong tubig dahil mauubusan ako. Walang kukunan ng tubig sa Bundok Putol.
Dahil sa pagod at uhaw ay nasisisi ko si Lolo Pablo kung bakit hindi pa sa akin pinamana ang anting na triyanggulo na mahusay raw proteksiyon sa sarili. Kung sa akin pinamana ang anting, sana ay hindi na ako nagpapakahirap ngayon.
Pero kinalimutan ko ang paghihimutok at ipinagpatuloy ang paghuhukay.
Paghukay ko, may tinamaan ang shovel.
Ting!
(Itutuloy)
- Latest