Mayang (196)
“Kinabukasan, dakong alas nuwebe ng umaga, dinala na naming sa huling hantungan niya si Encar. Makulimlim ang langit habang patungo kami sa public cemetery. Para bang nakikiramay sa akin ang langit sa pagkamatay ni Encar. Nararamdaman ko, gustong lumuha ng langit.
“Lalo pang dumilim ang langit nang pumapasok na ang karo ng punerarya sa malawak na libingan.
“Ilang minuto rin na pinagmasdan ko si Encar bago tuluyang isinara ang takip ng kabaong. Nakaalalay sa akin si Raul nang dahan-dahang buhatin ang kabaong at saka pinasok sa nitso.
“Habang pinapasok ang kabaong ay masaganang luha ang umagos mula sa aking mga mata. Wala na sa piling ko si Encar. Nag-iisa na lamang ako. Nakadama ako ng takot sapagkat hindi ko alam kung makatatagal ako sa pag-iisa. Baka hindi ko makayanan ang pagkawala ni Encar.
Hindi ko alam kung gaano na ako katagal na nakatayo sa harap ng nitso na agad ding natakpan at pinalitadahan.
“Nagulat ako sa tapik ni Raul. Umuwi na raw kami dahil babagsak ang ulan. Sabi ko susunod na lang ako. Gusto kong mapag-isa. Umalis si Raul kasama ang asawang si Lily.
Nanatili ako sa harapan ng nitso ni Encar. Tumutulo ang luha.
Maya-maya naramdaman ko ang patak ng ulan sa aking likod.
(Itutuloy)
- Latest