EDITORYAL — Vote buying, laganap na laganap sa MM

ANG Metro Manila ang sentro ng vote buying, ayon sa Commission on Elections (Comelec). At isa ito sa mga problema na kanilang kinakaharap. Habang papalapit ang May 12 elections lalong nagiging talamak ang vote buying at vote selling. Ayon sa Comelec, matindi ngayon ang vote buying sapagkat ang bayaran ng boto ay digital o dinadaan sa e-wallet. Mahirap matunton ang namimili at nagbebenta ng boto.
Inamin mismo ng Comelec na 34 na sumbong na ang kanilang natatanggap na may kinalaman sa vote-buying at vote selling. Iniimbestigahan na umano nila ang mga sumbong. Pinakarami umano silang natanggap na vote-buying at vote selling sa National Capital Region (NCR). Hindi umano titigil ang Comelec hangga’t hindi natutukoy ang mga nasa likod ng pamimili at pagbebenta ng boto.
Sa isang forum, sinabi ni Comelec Commissioner Ernesto Ferdinand Maceda na bago pa man nagsimula ang kampanyahan, nakatanggap na sila ng mga sumbong ng bilihan at pagbebenta ng boto. Inihalimbawa ni Maceda ang pa-raffle ng sasakyan. Hindi naman pinangalanan ni Maceda kung sino ang nasa likod ng pa-raffle. Ang isang tiyak, ayon kay Maceda, talamak ang nangyayaring bilihan at pagbebenta ng boto sa Metro Manila.
Ayon sa Comelec, noong 2022 elections ay matindi rin ang vote buying at vote selling. Nakapagtala umano sila ng 1,226 na insidente. Noong 2023, sa ginanap na barangay at Sangguniang Kabataan elections, nakapagtala naman ang Comelec ng 375 na insidente. At ang Metro Manila ang lagi nang sentro ng bilihan at pagbebenta ng boto.
Sinabi naman ng Comelec, na alerto sila sa bilihan ng boto gamit ang e-wallet transactions. Nakikipag-coordinate na umano sila sa Gcash, Maya, at iba pang financial institutions upang matukoy ang mga kaduda-dudang cash transactions. Sinisikap umano nilang matunton kung sino ang mga nasa likod ng vote buying.
Ngayong marami nang natanggap na reklamo ang Comelec ukol sa vote buying at vote selling, nararapat nang may masampolan para matigil na ang ganitong masamang praktis. Kung walang masasampolan, magpapatuloy ang maruming election. Sana naman maging matagumpay ang Comelec sa paglutas sa vote buying at masampahan ng kaso ang nasa likod nito.
Kung walang mapapanagot, mapipintasan ng taumbayan ang Comelec na pawang banta lang. Gaya ng sinabi nilang mananagot ang mga kandidatong hindi sumunod sa batas na may kaugnayan sa pagkakabit ng poster. Daming lumabag sa batas pero walang napanagot. Pawang banta lang ang Comelec?
- Latest



















