Separation pay para sa project employee?
Dear Attorney,
Kapag natapos ba ang aking kontrata ay may separation pay ba akong matatanggap? Lagpas isang taon na po akong project employee sa kompanya ko ngayon. — Joel
Dear Joel,
Sa ilalim ng Article 295 ng Labor Code, masasabing project employee ang isang empleyado kung ang kanyang employment ay para sa isang partikular na proyekto na may nakatakdang panahon kung kailan ito matatapos at makukumpleto.
Kailangan din na alam ng empleyado kung kailan matatapos ang proyektong kanyang tatrabahuhin bago pa man siya magsimula. Mahalaga ito dahil ang employment ng mga project employees ay hanggang sa panahong matapos ang proyekto o ang alin man sa mga phases o yugto nito.
Kaya kung ikaw ay isa talagang project employee base sa depinisyong ito mula sa Labor Code, at ang sinasabi mong pagtatapos ng iyong kontrata ay bunsod ng pagtatapos ng proyektong tinatrabaho mo o ang isa sa mga phases nito, ay wala kang matatanggap na separation pay.
Posible lamang makatanggap ng separation pay ang isang project employee kung siya ay tinanggal agad sa trabaho kahit hindi pa tapos ang proyekto at ang pagkakatanggal niya sa trabaho ay dahil sa tinatawag na “authorized cause” sa ilalim ng Labor Code, katulad ng pagkalugi ng negosyo o ang pagkakaroon ng employer ng labis na bilang ng empleyado.
- Latest



















