‘Walis’ (Part 9)
“IKAW si Divina?’’ tanong sa akin ng babaing lumapit.
“Opo.’’
“Ako ang pinapunta rito ni Lydia para sunduin ka. Baka raw may makakita sa kanya kung siya ang susundo kaya pinakiusapan ako. Halika na Divina. Ako nga pala si Ate Marie, kaibigan ni Lydia.’’
Umalis na kami.
Sumakay kami ng dyip patungong Quiapo. Bumaba kama sa tapat ng simbahan ng Quiapo at saka pumasok sa Lacson underpass. Lumabas kami sa R. Hidalgo St.
“Doon ako nakatira sa malapit sa MLQU. Naroon ang apartment ko. Mga ten minutes mula rito,’’ sabi ni Ate Marie.
Naglakad kami.
“Sabi sa akin ni Lydia, awang-awa siya sa iyo. Mahirap daw ang gagawin niya at baka siya maakusahang nangidnap pero saka na lang daw niya problemahin iyon, Mas mahalaga raw na makaalis ka sa malupit mong tiyahin. Hindi na raw niya kayang marinig ang pagpapahirap na ginagawa sa iyo kaya nagpasya na siya,” sabi ni Marie habang naglalakad sila.
Maya-maya nakarating na kami sa apartment ni Ate Marie. Luma ang apartment na kahanay ng bagong gusali ng MLQ. Maraming tanim na namumulaklak sa bakuran.
Binuksan ni Ate Marie ang gate.
“Marami akong boarders—mga estudyanteng babae. Iyan ang pinagkakakitaan ko. Tulad ni Lydia, matandang dalaga rin ako,” sabi ni Ate Marie.
Pumasok kami sa bahay. Malinis ang salas. Antigong narra ang mga upuan at cabinet.
“Maupo ka muna diyan at titingnan ko kung maayos na ang bed mo. Doon ka sa bakanteng kuwarto. Kapag may bagong boarder, siya ang magiging kasama mo,’ sabi ni Marie.
Makalipas ang ilang minuto, tinawag na ako ni Ate Marie at dinala sa kuwarto.
“Sige matulog ka na at bukas, pag-uusapan natin ang kalagayan mo. Pupunta rito si Lydia. Okey, Divina?’’
“Opo Ate Marie. Salamat po.” (Itutuloy)
- Latest