‘Walis’ (Part 4)
BUMAKAT sa mukha ko at braso ang walis tingting na pinanghampas sa akin ni Tiya Clems. Mahapdi ang tinamaan ng walis. Unang pagkakataon na nakatikim ako ng pananakit at sa tiyahin ko pa na inasahan kong kakalinga sa akin.
Palibhasa ay wala pa akong kakayahan noon para umalis, pinagtiyagaan kong tumira pa rin kay Tiya Clems. Wala naman akong magagawa dahil siya lamang ang kamag-anak ko sa Maynila.
Pinagbutihan ko na lamang ang pagtatrabaho para hindi na maulit ang pananakit niya sa akin. Ayaw ko nang maulit na mahampas ng walis. Nagkaroon ako ng phobia sa walis.
Pero talaga yatang minamalas ako dahil nagkamali na naman sa ikalawang pagkakataon.
Naglaba ako ng mga damit ni Tiya Clems. Magagandang damit ang pinalabhan niya sa akin.
Habang naglalaba ay nagmumuni-muni ako. Iniisip ko ang mga mangyayari sa akin sa hinaharap.
Nasa ganun akong pagmumuni-muni hanggang sa madampot ko ang lalagyan ng chemical na panglinis sa inidoro at naibuhos ko sa planggana na may mga damit ni Tiya Clems.
Matagal pa bago ko na-realized na hindi chlorox ang naibuhos ko kundi matapang na chemical.
Huli na ang lahat. Kahit binanlawan ko nang binanlawan, kumapit na ang kemikal sa damit na nag-iwan ng patse-patseng mantsa. Nagkabutas-butas din ang mga damit ni Tiya Clems.
Hinampas muli ako ng walis ni Tiya Clems. Pero mas matindi na! Dumugo na ang braso ko sa dami ng hampas.
(Itutuloy)
- Latest