EDITORYAL — Pagbabalik ng tanim-bala

PANAHON na naman ng taniman sa NAIA—pagtatanim ng bala sa bagahe ng pasahero. Ang huling tanim-bala sa NAIA ay naganap noong Hunyo 2018. Isang pasaherong babae na patungong Zamboanga City ang nakitaan ng bala sa bagahe nito. Pumalag ang babae at sinabing walang bala sa kanyang dala-dalahan. Hinalungkat ang bagahe ng babae at walang nakitang bala. Tumigil ang modus mula noon.
Pero muli na namang nabuhay taniman noong Huwebes ng isang 69-anyos na babae at kanyang anak na babae na patungong Vietnam ang nakitaan umano ng mga tauhan ng Office for Transportation Security (OTS) ng basyo ng bala sa bagahe nito.
Ayon kay Ruth Adel, nasa boarding gate na raw sila nang biglang harangin ng isang babaeng security personnel at sinabing kailangang i-check ang kanyang bagahe dahil nakitaan umano ito ng “anting-anting.”
Ayon sa anak ni Ruth na si Cai, sinabi ng babaeng security na kailangang dalhin ang mga bag ng kanyang ina sa ibang lugar para mahalughog. Pero hindi pumayag si Cai at sinabing kailangang gawin nila ang paghalughog doon mismo sa boarding gate. Tinawag umano ng security personnel ang kanyang supervisor. Dumating umano ito na may kasama pang isang security personnel at sinabing hindi sa maleta, kundi sa handbag umano sila may nakita. Nang inspeksyunin ang handbag, wala namang nakitang basyo ng bala. Ayon pa kay Cai, nang makita rin daw sila ng mga opisyal na nagre-record ng video sa cell phone, tinakpan ang kanilang name tag.
Sinibak agad ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang tatlong security personnel ng OTS. Nagbanta si Dizon na mananagot ang mga gumagawa ng tanim-bala. Hindi raw siya nagloloko lang. Hindi raw for show ang kanyang ginagawa.
Nagsimula ang tanim-bala sa NAIA noong Oktubre 2015 ng isang balikbayan na patungong California ang nakitaan umano ng bala ng kalibre 22 sa bagahe. Mga tauhan ng OTS ang nakakita sa bala. Ayon sa balikbayan, humihingi raw ng P500 ang mga empleyado para hindi na maabala. Hindi nagbigay ng pera ang balikbayan at inireklamo ang mga empleyado. Sinibak ang mga ito.
Ngayon ay balik tanim-bala na naman sa NAIA. Marami na namang kakabahang OFWs at balikbayan. Tiyak na babalutin muli ng packaging tape ang mga bagahe para hindi mataniman ng bala. Maraming dayuhan ang iiwasan ang Pilipinas. Bagsak na naman ang turismo.
- Latest
















