Sana… kung mabubuhay akong muli
ANG orihinal na titulo ng personal essay na ito sa Ingles ay If I Had My Life To Live Over. Sinulat ito ni Erma Bombeck pagkaraang ipinaalam sa kanya ng doktor na malala na ang kanyang cancer.
Isinalin ko sa Tagalog ang ilang bahagi ng kanyang essay kung saan pinanghinayangan niya ang mga bagay na kanyang hindi nagawa noong kasiglahan pa ng kanyang katawan:
Sana ay pinagbigyan ko ang aking katawan na makapagpahinga tuwing sumasama ang aking pakiramdam. Ang pakiramdam ko kasi ay titigil ang pag-ikot ng mundo kung aabsent ako sa trabaho.
Binawasan ko sana ang aking kadaldalan para narinig ko ang sinasabi sa akin ng ibang tao.
Dinalasan ko sana ang pag-iimbita sa mga kaibigan sa aking bahay kahit ang kapalit noon ay pagdudumi ng carpet at santambak na hugasin ng pinggan.
Pinagbigyan ko na sana si Lolo na magkuwento sa akin tungkol sa kanyang kabataan, kahit isandaang beses ko na iyong narinig.
Sana ay mas maraming oras ang ginugol ko sa pakikipagkuwentuhan sa mga kaibigan kaysa panonood ng drama sa TV. Mas magandang pakinggan ang totoong istorya ng buhay kaysa scripted na kuwento ng mga aninong gumagalaw.
Hinayaan ko na lang sanang halikan ako nang halikan ng aking mga anak kaysa tumanggi dahil pawisan ako.
Dinoble ko sana ang aking effort na tulungan ang aking honey sa pagtataguyod ng aming pamilya.
Dinalasan ko na lang sana ang pakikipaglambingan sa aking honey kaysa magpagabi sa opisina. Mas marami sanang I Love You ang nasambit ko sa kanya kaysa I’m sorry…
Hindi ko na sana inintindi ang mga taong ayaw sa akin at nagpokus na lang ako sa mga taong nagmamahal sa akin nang tunay.
“Life is too short to worry about anything. You had better enjoy it because the next day promises nothing.” — Eric Davis
- Latest



















