‘Pala’ (Part 8)
IBINIGAY ko kay Inay ang isang libong piso na kinita ko sa paghuhukay at paglilinis sa lupa ni Mam Socorro.
“Itago mo Juanito para kapag nag-aral ka sa kolehiyo ay mayroon kang maipambabayad sa matrikula,’’ sabi ni Inay.
“Pandagdag po sa pambili natin ng pagkain, Inay.’’
“Itago mo. May kinikita naman ang Itay mo sa pagbubukid. Sa isang linggo ay anihan na ng palay kaya malaki ang kanyang kikitain. Maganda ang bunga ng palay ngayon at pati na ang mais.’’
“E di sige po Inay, itatago ko ito.”
“E ang kapatid mo ba ay may kinita rin sa paglilinis ng lupa ni Mam Socorro?’’
“Opo, Inay. Kumita po si Danilo ng P200.’’
“Mabuti naman.’’
“Bukas po ay ang balon naman ang huhukayin namin ni Danilo. Kailangan po kasing makuha ang lupa na naistak sa balon para lumakas ang daloy ng tubig. Sa balon po kami kukuha ng pandilig sa mga gulay.’’
“Mag-ingat kayong dalawa sa paghuhukay. Mayroon daw nadidisgrasya kapag malalim na ang nahuhukay—hindi raw makahinga sa ilalim dahil walang hangin.’’
“Opo Inay.’’
KINABUKASAN, maaga kaming nagsimula ni Danilo sa paghuhukay. Sabado iyon kaya wala kaming pasok sa school.
Malambot naman ang lupang naistak sa balon kaya mabilis ang aming paghuhukay. Habang palalim nang palalim ay dunarami rin ang tubig sa balon.
Hanggang tuluyan naming naalis ang nakabarang lupa at naging mabilis na ang daloy ng tubig. Sa tantiya ko ay mga 10 feet ang lalim ng balon.
Naisip ko habang pinagmamasdan ang balon na halos umapaw ang tubig, tiyak matutuwa si Mam Socorro kapag nakita ito. (Itutuloy)
- Latest















