^

Punto Mo

EDITORYAL - Sunud-sunod na sunog

Pang-masa
EDITORYAL - Sunud-sunod na sunog

Kasabay sa pagsisimula ng Fire Prevention Month noong Sabado, may sumiklab na sunog sa ilang lugar sa Metro Manila. Kahapon, nagkaroon ng sunog sa Bgy. Pasong Tamo, Quezon City kung saan natupok ang mga bahay. Mabilis kumalat ang apoy. Wala namang nasugatan. Nagkaroon din ng sunog sa Pandacan, Maynila at Cebu City.

Bago ang Fire Prevention Month, isang sunog ang naganap sa Bgy. San Isidro, Galas, Quezon City. Walong tao kabilang ang isang dalawang taong gulang na bata ang namatay. Ayon sa Bureau of Fire Protection, hindi nakalabas ang mga biktima sapagkat naka-padlock ang mga bintana na nagsisilbing fire exit. Naganap ang sunog dakong alas dos ng ­madaling araw. Mahigit P3 milyon ang halaga ng mga ari-ariang nasunog.

Noong Pebrero 15, apat katao kabilang ang dalawang bata ang namatay nang masunog ang isang residential area sa Esteban St., Bgy. 177, Pasay City. Hinihinalang faulty electrical wiring ang pinagmulan ng sunog.

Noong Pebrero 26, isang senior citizen ang namatay sa sunog sa isang residential area, sa Bgy. Guadalupe Viejo, Makati City. Nang araw ding iyon, tatlong bata naman ang namatay sa sunog sa Bgy. Magallanes, Tayug, Pangasinan. Ayon municipal Fire Marshal, iniwan ang magkakapatid ng kanilang ama para mag-charge ng cell phone sa kapitbahay. Pagbalik ng ama, nasusunog na ang bahay.

Ang mga nangyaring sunog ay nagpapaalala naman sa malagim na sunog noong Marso 18, 1996 kung saan natupok ang Ozone Disco sa Quezon City na ikinamatay ng 160 katao, na karamihan ay mga bagong graduate sa kolehiyo at nagseselebreyt. Walang fire exit ang Ozone. Nagsimula ang sunog sa stage at nag-panic ang mga tao at nag-unahan sa paglabas. Na-trap sila sapagkat walang fire exit.

Ngayong Fire Prevention Month, hindi lamang ang pagpapaalala na mag-ingat sa sunog ang nararapat ipaalam ng mga awtoridad. Dapat itanong sa mga kinauukulan kung nakahanda nga ba sila sa salakay ng mapaminsalang sunog. Nasa maayos bang kondisyon ang mga fire trucks? May sapat bang tubig?

May mga ginagawa bang pag-iinspeksiyon sa mga gusali, ospital, o paaralan para matiyak na ligtas sa pagkasunog. May mga fire sprinklers, fire extinguishers at iba pang pamatay sunog sa gusali? Nagsasagawa ba ng fire drill sa mga tanggapan ng pamahalaan at eskuwelahan?

Ang pag-iingat ng mamamayan ang mahalaga ngayong panahon ng sunog. Maging alerto sa lahat ng oras.

FIRE PREVENTION MONTH

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with