^

Punto Mo

Asin at taba sa instant noodles, babawasan!

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa
This content was originally published by Pang-masa following its editorial guidelines. Philstar.com hosts its content but has no editorial control over it.

KAHIT naman sino sa atin marahil ay kumakain ng instant noodles, mayaman man o mahirap, kilala man o ordinaryong tao. Karaniwan siyang kasama sa mga relief goods na ipinamimigay sa mga nasasalanta ng kalamidad o sa mga groceries na pinamumudmod ng gobyerno o maging ng mga pulitiko o ng mga kawanggawa.

Mabilis lutuin at mura at mabibili kahit saan. Isa itong pangdiskarteng pagkain kapag nagmamadali ka, nasa alanganin kang lugar o sitwasyon na walang ibang makain o tinatamad kang magluto o nagtitipid. Magaan dalhin kahit saan at maluluto agad sa mainit na tubig.

Kinakain ito bata man o matanda, estudyante, empleyado, manggagawa, taga-opisina, at iba pa. Puwedeng agahan, meryenda, hapunan o kinakain habang nanonood ng telebisyon o merong tinatrabaho o pinagsasaluhan ng mga magkakapamilya, magkabarkada, magkakaibigan, at iba pa.

Meron ding mga Pinoy na sinasamahan ng itlog ang niluluto nilang instant noodles, sinabawan man o tuyot.

Meron nga lang ilang isyu sa mga instant noodles na ito tulad ng kawalan o kakulangan ng sustansiya. Nariyan din yung mga sangkap na asin, monosodium glutamate (MSG), asukal o sili depende sa klase o brand ng instant noodles.

Nakasasama sa kalusugan kapag madalas o napaparami ang pagkain nito. May mga health expert nga na nagpapayong minsanan lang o isang beses lang sa isang linggo dapat  kumain nito. Gayunman, sa kabila ng mga isyung ito, marami pa ring Pinoys ang patuloy na tumatangkilik sa instant noodles.

Batid naman ito ng mga gumagawa ng instant noodles. May ilan na nga sa kanila na binabawasan ang alat bagaman hindi ganap na maiiwasan ang asin dahil mawawalan ng lasa. May mga ganitong produkto naman na sinasamahan ng pira-pirasong maliliit na gulay tulad ng carrot.

Kinikilala naman ng mga tagagawa ng instant noodles ang mga ganitong usapin. Isa nga ito sa mga tinalakay nila sa isang pulong ng mga kompanya ng instant noodles na idinaos ng World Instant Noodles Association sa Taguig, Metro Manila noong nakaraang linggo.

Nagdeklara sila ng isang patakaran na tumutugon sa nutrisyon, kalusugan, environmental-sustainability, food safety, at solving social issues. Nilalayon sa kanilang deklarasyon na bawasan ang mga asin at taba sa mga instant noodles, bawasan ang greenhouse gas emissions, waste, at energy consumption at tiyakin na ligtas ang mga ginagamit na sangkap at proseso sa pagkain.

Napaulat ngang sabi nga ng isang opisyal ng isa sa mga kompanyang ito na regular nilang binabawasan ang asin sa kanilang instant noodles. Pero iginiit niya na ang asin ay nananatiling mahalagang produkto at binabalanse nila ang pagbabawas ng asin at ang panlasa ng mga Pilipino.

“Pag biglang binawasan mo, hindi na masarap. Ano gagawin ng tao? Hindi kumain ng noodles. Ano gagawin ng tao? Anong replacement sa noodles? Yung ibang mas maalat na pagkain,” sabi pa niya.

Totoo rin ang sabi niya na maraming taong nagugutom na umaasa lang sa mga murang pagkain. Dahil nga napakamura at madali at simpleng lutuin, kabilang ang instand noodles sa alternatibo ng mga taong walang pambili ng mas masusustansiya o mga regular at napakamahal na mga pagkain. Hindi na baleng kulang sa kailangang sustansiya sa katawan. Maibsan lang ang nararamdaman nilang gutom.

Sana nga magkabunga ng maganda sa hinaharap ng ginawang summit ng mga tagagawa ng instant noodles!

-oooooo-

Email: rmb2012x@gmail.com

TAO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with