EDITORYAL - Mga mag-aaral, karahasan ba ang pinag-aaralan?

Ilang oras, makaraan ang nangyaring rambolan ng mga estudyante sa Rizal High School sa Pasig noong Huwebes kung saan dalawang estudyante ang sinaksak, nakumpiska ang iba’t ibang patalim sa mga kasangkot na estudyante. Kabilang sa mga nakumpiska ang balisong, talon knife, kitchen knife at iba pang matatalas na bagay. Ang ganitong senaryo ay karaniwang makikita sa mga bilanggo sa National Bilibid Prisons at sa city jails kung saan ginagamit ito ng mga magkakalaban na gang gaya ng Sputnik at Bahala na Gang. Ngayon, pati sa school meron nang blades weapons.
Naghahatid ng pangamba ang nangyayaring ito. Anong paraan ang ginagawa ng pamunuan ng Rizal High School ukol dito? May hakbang na ba ang Department of Education (DepEd) sa nangyari? Hindi dapat ipagwalambahala ng DepEd ang karahasang ito. Maaring mangyari rin ito sa iba pang eskuwelahan.
Sa video na ini-upload sa Facebook, pinagtutulungan ng mga estudyante ang isang estudyante habang hawak ng isa ang patalim. Makikita sa video ang duguang uniporme ng isang estudyante makaraang saksakin. Sa isa pang video, makikita ang isa pang estudyante na hawak ng kapwa estudyante at saka sinaksak. Ayon sa pulisya, ang dalawang grupo ay unang nagrambol sa school compound pero ipinagpatuloy sa labas ang rambolan.
Paano kung hindi lamang patalim ang naipasok ng mga estudyante sa loob ng paaralan? Paano kung magpasok sila ng baril o granada kaya? Tiyak na makalulusot dahil wala namang nag-iinspeksiyon sa mga estudyante. Tiyak na may mamamatay kung baril o granada ang maipapasok.
Hindi na imposible ang pagpapasok ng baril sapagkat may mga estudyanteng gumawa na nito noon pa.
Noong Okt. 9, 2011, isang 15-anyos na high school student ang inaresto ng pulisya nang magdala ng baril sa loob ng eskuwelahan sa Bgy. Canbanua, Argao, Cebu. Nakuha sa estudyante ang kalibre 38 revolver.
Noong Okt. 12, 2024, isang 12-anyos na Grade 7 student ang nagpaputok ng baril sa loob ng kanilang paaralan sa Dumaguete City, Negros Oriental. Ayon sa pulisya, naka-break ang mga mag-aaral nang ilabas ng estudyante ang kalibre .45 at pinuntirya ang bintana ng classroom. Mabuti at walang tinamaan.
Noong Okt.17, 2024, naaresto ang isang Grade 8 student sa Malabon nang magdala ng kalibre 38 baril sa school.
Paigtingin ng mga namumuno sa eskuwelahan ang pagbabantay sa kanilang mag-aaral. Gabayan ng mga guro ang mga estudyante sapagkat karahasan at hindi karunungan ang nalalaman ng mga ito. Alamin ng mga magulang ang ginagawa ng kanilang mga anak. Huwag hayaan ang mga ito na maligaw ng landas.
- Latest















