Kumusta na ang mga Pinoy centenarians?
LUBHANG kokonti pa lang ang mga centenarian sa Pilipinas kumpara sa ibang mga bansa. Sila iyong mga Pilipinong umabot na sa 100 taong gulang o higit pa. Sinasabi nga sa isang ulat ng Philippine Information Agency na merong 1,000 centenarians sa bansa na karaniwang nasa pagitan ng 100 at 115 anyos ang edad.
Katiting lang ito kumpara sa napakalaking bilang ng mga sentenaryo sa ibang bansa tulad ng mga nasa Japan, United States, Canada, Asya, Australia at Europe na umaabot halimbawa sa 50,000 o 100,000. Wala pa ngang Pinoy na nakakaupo sa trono bilang pinakamatandang tao sa mundo.
Sa 1,000 ito, 20-25 porsiyento o mula 200 hanggang 250 ang lalake. Nakakarami ang babae na kumakatawan sa 75-80 porsiyento at may bilang na mula 750 hanggang 800. Pinakamarami ang mga sentenaryong Pilipino sa Metro Manila, Cebu, Mindanao at Ilocos Region.
Halimbawa ng mga centenarian na ito na binanggit sa ulat ng PIA si Apolonia “Apo” Whang-Od, isang 105-year old mula sa Kalinga na binabanggit na dahilan ng mahaba niyang buhay ang simple niyang pamumuhay na puno ng kasipagan, pananampalataya at pagmamahal sa kanyang pamilya.
Si Franciso “Kiko” Banaag naman na centenarian mula sa Leyte ay nagsabing naging mahaba ang buhay niya dahil sa pagmamahal niya sa kalikasan at araw-araw na paglalakad sa bukirin. “Sariwang hangin, araw, at mahimbing na tulog sa gabi ang sikreto sa mahabang buhay,” wika niya.
Siyempre pa, kilalang-kilala ang 101-taong gulang na si dating Senate President Juan Ponce Enrile.
Para naman sa centenarian na si Marcosa Liwanag ng Valenzuela, isang single mother na tindera ng prutas at gulay, nakatulong ang suporta ng pamahalaan para mapangibabawan niya ang malalaking hamon sa buhay. Pamilya ang lahat sa kanya. Itinuro ng buhay na maging matiyaga at mabait.
Sana nga merong komprehensibong pag-aaral sa mga sentenaryong Pilipino. Bukod sa dahilan ng mahaba nilang buhay, mainam din marahil malaman kung paano lumilipas ang kanilang maghapon at magdamag sa araw-araw lalo pa’t wala na silang kakayahang magtrabaho?
Ano ang kanilang mga iniisip at nararamdaman sa anumang mga bagay na kanilang nakikita o naririnig o sa mga nagaganap sa kanilang kapaligiran? Ano ang regular nilang mga aktibidad kung meron man? Saan sila naninirahan?
Sino ang kasama nila sa bahay o meron bang nag-aalaga o nagbabantay sa kanila kung kailangan silang bantayan? Ilan sa kanila ang nakakakilos pa nang mag-isa? Natutugunan ba ang kanilang mga pangangailangan? Meron pa ba silang mga hangarin sa buhay sa kabila ng kanilang edad?
Nakakadama ba sila ng kahulugan sa kanilang buhay? Sa kanilang edad, ano ang nakakapagpasaya at nakakapagpalungkot sa kanila? Hinahanap ba nila iyong dating pagiging produktibo nila tulad noong bata pa sila?
Malaking bagay naman iyong mga pagkilala sa kontribusyon nila sa lipunan at biyayang ipinagkakaloob sa kanila ng pamahalaan tulad ng 100,000 cash gift at ng mga diskuwento sa mga bilihin, gamot, transportasyon, serbisyo publiko at iba pa na nauukol din naman sa lahat ng senior citizen.
Pero sapat na kaya ito? Hindi sila mga estadistika lang o panggulat o pambalita. Mga dugo’t laman pa rin sila na nakadarama, may isip, nagtataglay ng mga mahahabang karanasan at kasanayang kapupulutan ng mahahalagang aral sa buhay.
Kumusta na nga ba sila?
Email: [email protected]
- Latest















