Bulatlatan ng kabulukan sa gobyerno, may bago pa ba?
MALALA na ang epekto sa utak ng mga adik sa pulitika na nagkukunwaring nagpapakabayani at nagmamalasakit sa taumbayan. Ginagawa na nilang kenkoy ang mga sarili nila.
Hinamon ni dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez si President Bongbong Marcos na magpa-hair follicle test para patunayan diumano na hindi ito gumagamit ng droga. Eh ‘di ba ikaw Atorni ang nagsabi noong 2021 na hindi adik si Bongbong? Kenkoyan na ‘to!
Binubulatlat din ni Atorni ang ipinasang General Appropriation Act (GAA) of 2025 na dumaan sa masusing pagsusuri at pumasa sa kongreso at senado. May butas daw. Eh bakit tahimik ang mga tumatakbong mga kapartidong kongresista at senador ni Atorni?
Nagiging katawa-tawa tuloy si Atorni kapag tinatanong ito kung bakit siya nag-resign bilang Executive Secretary at kalaunan ay Chief of Staff na lang. Demotion ‘yun at tanging si dating Senador Juan Ponce Enrile na legal consultant ni Bongbong ang puwedeng tanungin kung ano talaga ang dahilan. Sisibakin ba talaga siya, kaya inunahan ng resignation? Aber ngaaa!
Maganda na sana ang korte sa pagtakbong senador ni Atorni dahil identified naman siya bilang kaalyado ni Digong na nakapag buo ng UniTeam noon. Patunay na ang kapatid nito ay na-appoint bilang Board Member ng Clark Development Administration at kalaunan ay Director sa Poro Point Development Corporation.
Ang masama ay naging demolition barking dog na si Atorni ng kampo ni Digong laban kay Bongbong. King Maker na naging destroyer? Ngeeek!
Tinuran din ni Atorni na kaya siya sinibak sa Partido Federal ni Bongbong ay hindi niya ipinuwesto ang mga miyembro nito sa masasabaw na puwesto sa gobyerno. Magnanakaw lang naman daw ang dahilan.
Aba’y pangalanan mo para magkalinawan. Wait kami. Daliii!
Kapanapanabik ang mga susunod na kabanata ng 2025 Election sa pagpapalutang ng kabulukan ng magkabilang kampo nina Bongbong at Digong. Mga bagong isyu ng corruptions laban sa corruptions noon!
- Latest