EDITORYAL - Mga espiya, patawan nang mabigat na parusa

NAKABABAHALA ang sunud-sunod na pagkakaaresto ng Chinese spies. Limang Chinese spies pa ang naaresto sa Palawan noong Huwebes. Ang mga naaresto ay sina Cai Shaohuang, alyas Richard Tan Chua – lider ng grupo; Cheng Hai Tao; Wu Cheng Ting; Wang Yong Yi at Wu Chin Ren.
Noong Enero 20, naaresto sa isang condominium sa Makati ang Chinese spy na si Deng Yuanquing at dalawang Pilipino na nagsisilbing drayber nito. Nasamsam sa sasakyan ng Chinese ang mga kagamitan na ginagamit sa pagsasagawa ng casing sa mga military camps at iba pang pangunahing imprastraktura.
Inamin naman ng dalawang Pinoy na marami na silang napuntahang military camps at iba pang lugar para magsagawa ng surveillance. Sinabi naman ng asawa ng Chinese na hindi spy ang kanyang asawa at matagal na umano itong nasa bansa at meron na silang anak. Hindi rin umano ito nag-aral sa ilalim ng People’s Liberation Army (PLA) ng China. Ganunman, hindi naman masagot ng ginang kung bakit nagtutungo sa military installations ang kanyang asawa.
Sinabi naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na espiya at sangkot sa illegal surveillance operations ang Chinese. Nagsasagawa umano ito ng unauthorized foreign intelligence surveillance at reconnaissance activity. Nakuha umano sa mga nasamsam na servers ng Chinese ang mga mapa ng critical infrastructures ng military at PNP camps. May mga data rin umano ng camps na nakuha sa server.
Maaaring marami pa ang mga Chinese spies sa bansa at kahalubilo na ng mamamayan. Maaring matagal na sila rito at marami nang nadiskubre at napag-aralan sa galaw ng military.
Sa nangyayaring ito, nararapat nang isamoderno ang Espionage law na pinaiiral sa bansa. Masyado nang obsolete ito at magaan ang parusa sa mga napapatunayang espiya. Kinatha pa ang Espionage Law noong 1941 sa ilalim ng Commonwealth Act 616. Hindi na ito angkop sa kasalukuyang panahon na masyado nang sopistikado ang mga pamamaraan at ginagamit sa pag-eespiya. Sa ilalim ng batas, hinahatulan lamang ng anim na taon na pagkabilanggo ang mapapatunayang sangkot sa pag-eespiya. Masyadong magaan ang parusang ito.
Kasabay sa pagsusog sa Espionage law, paigtingin ng AFP at PNP ang pagmamanman sa buong bansa. Pag-ibayuhin ang pangangalap ng impormasyon o intelligence gathering. Hindi na biro ang nangyayari na sunud-sunod na pagkakaaresto sa Chinese spies. Hindi dapat ipagwalambahala ang nangyayaring ito. Maging alerto ang mamamayan at ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang mapapansing kahina-hinalang galaw ng mga dayuhan—lalo ang Chinese.
- Latest
















