Mga Pinoy mahilig sa ‘pirata’?
Nakagugulat, nakalulungkot at nakadidismaya ang survey na kinomisyon ng Asia Video Industry Association na nagsasaad na ang Pilipinas ang pangalawang pinakamalaking consumer ng mga pirated online content sa Asia-Pacific region. Seventy percent ng mga Pilipino ang gumagamit ng mga pinipiratang materyales tulad ng sa mga pelikula at awitin. Nangunguna ang Vietnam, 71 percent.
Isa sa pinatutungkulan dito ang panonood ng mga pelikulang naida-download sa mga pirate website. Pero, kahit libre ito at madaling nakukuha, namemeligro naman ang mga Pinoy sa mga hacker at scammer na maaaring makapagnakaw sa kanilang mga sensitibong datos tuwing bubuksan nila ang naturang mga website, ayon na rin sa isang pag-aaral ng Australian researcher na si Paul Watters ng Macquarie University. Nalalantad at nanganganib sa mga hacker ang mga personal data ng mga Pinoy na gumagamit sa mga pirate website lalo pa at marami sa kanila ang mahilig dito.
Merong mga pagtatangka ang mga kinauukulan na maipasara o mai-‘block’ ang mga pirate website na ito pero tila nabibigo lang at patuloy pang nakabimbin sa Kongreso ang batas na nauukol dito.
Kung aanalisahin, tila ang mga pirate website na ito ang pumalit sa mga compact disc at DVD na naglalaman ng mga piniratang pelikula na malaganap at nabibili noong araw na hindi pa uso ang internet at social media. Nawala sa pamilihan ang mga tindahan ng mga CD at DVD ng mga piniratang pelikula na isa sa sinasabing dahilan ng pagkalugi at pagbagsak ng ating lokal na industriya ng pelikula.
Naglaho ang mga solong sinehan at natira iyong mga nasa shopping mall na nagtatakda pa ng ispesipikong mga oras ng palabas na pelikula. Naging popular ang panonood ng mga pelikula sa pamamagitan ng internet tulad ng sa mga streaming video, social media, at ibang mga lehitimong website na nabubuksan para makapag-download ng mga pelikula na sinamahan pa ng mga desktop computer, laptop, tablet at smartphone.
Naging malaganap naman at patuloy na nakakakilos ang mga pirate website dahil marami namang patuloy na tumatangkilik sa kanila tulad dito sa Pilipinas.
Kapag sinabing pirata, ito yung pelikula na kinopya at ibinibenta nang walang permiso mula sa prodyuser ng pelikula. Maaaring ibang kaso yung mga pelikulang napapanood sa Netflix, YouTube, Facebook at iba pang lehitimong online platform o website na kalimitan namang may bayad at tila awtorisado dahil wala namang mga isyu laban sa mga ito. Isa nga lang ito sa mga dahilan kaya nawala ang mga taong pumapasok sa mga sinehan.
Pero lehitimo rin ba yung mga USB flash drive na naglalaman ng mga pelikula at inilalako sa social media tulad sa Facebook? Walang linaw kung saan at paano nakukuha ng mga nagbebenta ng ganitong mga USB flash drive ang mga pelikulang nilalaman ng kanilang ninenegosyong gadget.
Meron ba silang awtorisasyon mula sa mga prodyuser ng mga pelikulang ito o isa itong makabagong klase ng pamimirata? Malaki namang kaluwagan ito sa mga konsiyumer na gustong makapanood ng pelikula sa kanilang computer o smartphone pero wala silang internet at walang kakayahang makapag-download ng mga pelikula mula sa mga kinauukulang website.
Dahil wala nang CD-Rom player ang kasalukuyang mga computer o laptop, karaniwang mga USB port na lang nito ang ginagamit sa pagkopya at paglilipat ng mga files na tulad nga ng mga pelikula at videos sa pamamagitan ng mga USB flash drive na maaari ring isaksak sa mga smartphone.
Gayunman, ang flash drive ay hindi naman pangmatagalang gadget. Depende rin sa kalidad ang itatagal nito kaya mainam na meron kang back-up copy ng mga files nito kapag nasira ang flash drive.
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest