EDITORYAL — Hustisya, samo ng mga kaanak ng Ampatuan ­massacre victims

SA Sabado, Nobyembre 23 ay ika-15 taon na nang karumal-dumal na Ampatuan massacre. Ang pagpatay sa 58 katao, 32 ay mamamahayag ang itinuturing na pinakamalagim sa kasaysayan ng bansa. Sa kabila nito, nananatili pa ring uhaw sa hustisya ang mga kaanak ng pinaslang. Hindi pa rin sapat ang nakamit nilang hustisya.

Ayon sa mga kaanak ng biktima, iniwan na sila ng mga taong nangako noon na tutulungan sila. May mga pulitikong nangako na ipaglalaban para makamit ang sapat na hustisya pero wala na umano ang mga ito ngayon. Nawala na rin ang mga abogadong nangako na dedepensahan sila.

Bagama’t nahatulan na ang mga “utak” sa massacre— ang pamilya Ampatuan – marami pa rin ang nakalalaya at naghahatid ng takot sa mga naulila ng biktima. Maaring gantihan sila ng mga ito.

Naganap ang Maguindanao o Ampatuan massacre noong Nobyembre 23, 2000. Nagtungo sa Ampatuan, Maguindanao ang convoy na kinabibilangan ng asawa, kaanak, supporter ng kandidatong si Ismael Mangudadatu para mag-file ng kandidatura sa pagka-governor, kasama sa convoy ang 32 mamamahayag. Hindi na sila nakarating sa lugar na sadya sapagkat hinarang sila ng 100 armadong kalalakihan na pinamununuan ni Datu Unsay Andal Ampatuan at pinagbabaril. Nang patay na lahat, inilibing sila sa isang malalim na hukay. Pati ang mga sasakyan ay isinama rin sa hukay para maitago ang krimen.

Natuklasan ang mga bangkay at itinuro ang pamilya Ampatuan na nasa likod ng krimen. Sinampahan ng kaso ang mga Ampatuan at 100 iba pa. Noong ­Disyembre 20, 2019, ibinaba ang hatol. Habambuhay na pagkabilanggo ang inihatol ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City Regional Trial Court kina Datu Andal “Unsay” Ampatuan Jr., Zaldy Ampatuan at Datu Anwar Sr. —mga anak ni Maguindanao governor Andal Ampatuan Sr. na isa rin sa mga akusado subalit namatay sa bilangguan bago pa ibinaba ang hatol. Sa kabuuan, 28 ang hinatulan ng korte sa massacre.

Kailan maisisilbi ang hinahangad na hustisya? Ito ang tanong ng mga kaanak ng biktima. Tuwing sasapit ang anibersaryo ng massacre, lalong umaantak ang sugat na nilikha ng karumal-dumal na pagpatay. Nananawagan sila na arestuhin ang mga suspect pa sa masaker at ipagkaloob din ang compensation sa mga biktima. Tapusin ang kauhawan nila sa lubos na hustisya. Huwag nang budburan ng asin ang natamo nilang sugat sa karumal-dumal na masaker.

Show comments