EDITORYAL - Anong itinatago at ayaw dumalo

HINDI pa rin daw dadalo si Vice President Sara Duterte sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability na nakatakda sa Nobyembre 20. Ito ay sa kabila na ­pinirmahan na niya ang liham na nag-iimbita sa kanya.

Maraming beses nang inimbitahan si Sara ng komite para magpaliwanag at linawin ang may kaugnayan sa maling paggamit ng pondo ng kanyang tanggapan at sa kontrobersiyal na confidential funds na ginastos sa loob ng 11 araw. Subalit parati niyang iniisnab ang pagdinig.

Hindi lamang siya ang nang-iisnab kundi pati na ring ang apat pang executives ng Office of the Vice President. Winawalambahala rin ng mga ito ang komite na nagsasagawa ng pag-iimbestiga, dahilan para mapuno na ang mga mambabatas at binantaang ipaaaresto na ang apat.

Akala ni Good Government Panel Chairman Joel Chua, dadalo na si Sara dahil nga nilagdaan na nito ang imbitasyon noong Lunes habang nasa quad committee hearing at nakikinig sa isinasagawang pagtatanong sa ama nitong si dating President Duterte ukol sa war on drugs campaign at umano’y extrajudicial killings. Nilapitan si Sara ng committee staff at personal ang imbitasyon para dumalo sa susunod na pagdinig. Tinanggap ni Sara ang imbitasyon at pinirmahan. Subalit isang araw makaraan niyang tanggapin ang imbitasyon, sinabi nitong hindi siya dadalo.

Kung patuloy na hindi sisipot si Sara, tiyak na ganito rin ang gagawin ng apat na OVP officials. At maaaring tuluyan na nga silang ipaaresto. Ang apat ay sina Gina Acosta, OVP Disbursing Officer; Lemuel Ortonio, OVP Assistant Chief of Staff and Bids and Awards Chairperson; Sunshine Fajarda, dating DepEd Assistant Secretary at mister na si Edward Fajarda, dating DepEd Disbursing Officer.

Sa nakaraang pagdinig, dumalo naman ang mga opisyal ng OVP na sina: Rosalynne L. Sanchez, OVP administrative and financial services director; Julieta Villadelrey, OVP chief accountant; Kevin Gerome Tenido, OVP chief administrative officer; at Edelyn Rabago, OVP budget division officer-in-charge.

Ang chief of staff ni Sara na si Undersecretary Zuleika Lopez ay hindi pa bumabalik sa bansa makaraang umalis noong Nobyembre 4 patungong United States.

Mahalagang dumalo si Sara sa pagdinig ng House Committee on Good Government at sagutin ang mga ­inaakusa sa kanya. Kailangang ipagtanggol niya ang sarili at ang kanyang tanggapan. Kung patuloy siyang iiwas, lalong mabubuo ang hinala na mayroon siyang itinatago. Hindi maganda ang patuloy niyang pagwawalambahala sa isyu ng pondo ng kanyang tanggapan.

Show comments