EDITORYAL - Digong, sa quad comm naman dapat sumalang
May gaganaping pagdinig ang House quad committee sa Huwebes (Nobyembre 7) ukol sa extra-judicial killings (EJKs) ng nakaraang Duterte administration. Sabi ni quad comm chairman Robert Ace Barbers, iimbitahan nilang muli si dating President Rodrigo Duterte. Magpapadala muli sila ng imbitasyon kay Duterte. Sabi ni Barbers, kung nagawa ng dating Presidente na dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon noong Oktubre 28, maaari rin nitong magawa sa quad committee.
Sabi naman ni quad comm co-chairman Benny Abante, malakas naman ang pangangatawan ng dating Presidente kaya wala na itong maidadahilan na hindi dumalo. Nang unang imbitahan ng quad comm si Duterte, sinabi nitong masama ang karamdaman kaya hindi makakadalo sa hearing. Unang pinadalhan ng imbitasyon ng quad comm si Duterre noong Oktubre 18 upang magpaliwanag sa madugong giyera kontra droga ng kanyang administrasyon at payag naman siya basta maayos lang daw ang pagtatanong.
Nang sumalang si Duterte sa pagdinig ng Senado noong Lunes, ayaw pa niyang tumigil sa pagsasalita dahil marami pa raw siyang isisiwalat ukol sa ipinatupad niyang kampanya sa war on drugs noon. Marami siyang sinabi sa Senado at inamin niyang may “Davao Death Squad” talaga. Pito raw ang miyembro na binubuo ng mga gangsters at mayayaman pero kumambiyo siya at sinabing mga pulis ang miyembro ng DDS. Pero huwag daw kasuhan ang mga pulis dahil kawawa naman. Siya na lang daw ang ikulong. Inaako raw niya lahat ang responsibilidad.
Una nang dumalo sa pagdinig ng quad comm si dating police colonel at PCSO General Manager Royina Garma at binulgar ang extra-judicial killings at reward system na ipinag-utos umano ni Duterte. Ayon kay Garma, tinawagan siya ni Duterte at pinapunta sa bahay nito at nagpahanap ng taong gagawa ng plano na tulad sa “Davao model”.
Ayon pa kay Garma, ang reward sa mga pulis na makakapatay ng drug suspect ay mula P20,000 hanggang P1 milyon. Sabi naman ni Duterte, walang reward system. Itinanggi rin ni Sen. Bato dela Rosa ang reward system.
Mas makabubuti kung dadalo si Duterte sa hearing ng quad comm at patunayang mali ang mga inaakusa sa kanya ukol sa EJKs at reward system. Kung nagawa niyang magsalita ng walong oras sa Senado, ganito rin ang gawin niya sa quad comm. Isiwalat niya lahat.
- Latest