‘Tutubi’
(PART 4)
HINDI ko alam kung nananaginip ba ako o hindi. Ang alam ko, pumasok ako sa isang kuweba na bahagyang madilim. Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang sa unti-unting nagliwanag sa loob ng kuweba.
Nakita ko na pawang mga tutubing karayom ang naroon. Napakarami na halos magkabanggaan sa paglipad ang mga tutubi.
Makukulay ang mga tutubi. Tuwang-tuwa ako habang pinagmamasdan ang paglipad nila sa loob ng kuweba.
Hanggang sa makaramdam ako ng pagod at gutom.
Umupo ako sa mga bato na nasa gitna ng kuweba. Patuloy kong pinanood ang mga tutubi sa paglipad. Parang ang saya nila!
Hanggang sa makaramdam ako nang matinding antok. Mabigat ang talukap ng mga mata ko.
Pero bago ko naipikit ang mga mata ay nakita ko ang paglapit ng isang nilalang na hindi ko malaman kung tao o tutubi. May hawak na espadang makintab. Itinaas para ako tagain.
Tingin ko ay nagniningas ang mga mata ng nilalang na di ko malaman kung tao o tutubi. May kalakihan at nakaluwa ang mga mata.
Nang akma akong tatagain ay bigla akong nagsisigaw. Napakalakas ng aking sigaw na parang may echo.
Dahil sa pagsigaw ko, lalong nagalit ang nilalang at tinuluyan akong tagain! Ubos lakas na inundayan ako ng taga!
(Itutuloy)
- Latest