^

Punto Mo

EDITORYAL — Iprayoridad ng PNP ang Barayuga murder

Pang-masa
EDITORYAL — Iprayoridad ng PNP ang Barayuga murder

SABI ng Philipppine National Police (PNP) magsasagawa na sila ng pag-iimbestiga sa pagpatay kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary Wesley Barayuga. Ayon kay PNP Public Information Office chief Brig. Gen. Jean Fajardo walang sasantuhin sa pag-iimbestiga kahit pa ang mga sangkot ay matataas na opisyal ng pulisya. Walang “sacred cows” ayon pa kay Fajardo.

Isang pulis mula sa PNP Drug Enforcement Group (PDEG) ang lumutang sa House quad committee hearing noong Setyembre at isiniwalat ang mga “utak” sa pagpatay kay Barayuga.

Ayon kay Lt. Col Santie Mendoza, inutusan umano siya ni dating Napolcom Commissioner Edilberto Leo­nardo na patayin si Barayuga sa utos naman ni dating PCSO General Manager Royina Garma. Ayon kay Men­doza, ipinapapatay si Barayuga dahil sangkot umano ito sa illegal drugs. Nasa drug watch lists umano ito.

Nang sabihin umano ni Mendoza na magsasagawa siya ng pag-iimbestiga kay Barayuga, sinabi ni Leonardo na hindi na kailangan dahil tapos na at ibibigay na lang sa kanya ang profile at plate number, kulay at uri ng sasak­yan ni Barayuga. Pati ang retrato umano ni Bara­yuga ay ibinigay para madali itong makilala. Sabi pa raw ni Leonardo sa kanya, ang isasagawang pagpatay ang magpapaganda ng direksyon ng kanyang karera bilang pulis.

Sabi pa ni Mendoza sa pagdinig, hindi niya matanggihan si Leonardo dahil upper classmen niya ito sa Philippine National Police Academy. At isa pa, ang nag-uutos mismo ay ang PCSO general manager. Binigyan umano siya ng P300,000.

Ipinasa umano niya ang lahat ng impormasyon sa asset na si Nelson Mariano at ito ang komontak sa gunman na si Loloy. Isinagawa ang pag-ambush kay Barayuga sa corner ng Calba­yog at Malinao Streets sa Bgy. Highway Hills, Mandaluyong City, dakong alas tres ng hapon noong Hulyo 30, 2020.

Itinanggi nina Garma at Leonardo ang akusasyon ni Mendoza. Sabi ni Garma, hindi niya kilala si Mendoza. Wala raw siyang nalalaman sa mga sinabi nito.

Sabi ni Mendoza, lumantad siya para manaig ang katotohanan. Nakokonsensiya umano siya na ipinapatay ang taong walang kasalanan. Natatakot din umano siya para sa kanyang buhay at pamilya.

Iprayoridad at bilisan ng PNP ang pag-iimbestiga sa pagpatay kay Barayuga upang maisilbi ang hustisya. Sinasabing nang patayin si Barayuga ay may hawak itong mga dokumento kaugnay sa mga anomalya sa PCSO at STL na pinamumunuan ni Garma. Nararapat malantad ang katotohanan sa Barayuga murder.

WESLEY BARAYUGA

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with