‘Tutubi’
(Part 1)
NANGYARI ang karanasan kong ito noong ako ay 9-anyos at nasa Grade 3 sa isang public school sa aming probinsiya sa Southern Tagalog.
Hindi ko malilimutan ang karanasang iyon na hanggang ngayon ay malinaw na malinaw pa sa aking alaala at siguro’y hindi ko malilimutan sa buong buhay ko. Naikuwento ko na ito sa aking asawa, mga anak, mga kaibigan at sila man ay hindi makapaniwala sa kakaiba kong karanasan.
Nagsimula ang lahat dahil sa panghuhuli ko ng tutubi. Ang panghuhuli ko ng tutubi ay nagaya ko lamang sa mga kaklase kong lalaki.
Paglabas namin ng school ng alas dose ng tanghali ay ang panghuhuli na ng tutubi ang inaatupag.
Ang mga classmate ko ay paboritong hulihin ang malalaking tutubi na tinatawag na balbakwa. Pagkatapos nilang hulihin ang balbakwa ay pakakawalan.
Ako naman ay iba ang kinahiligang hulihin—mga tutubing karayom na iba’t iba ang kulay.
At kung ang classmate ko ay pinakakawalan ang huling tutubi, ako ay hindi. Inilalagay ko ang mga huling tutubing karayom sa isang lalagyang grapon. Kinukulong ko. (Itutuloy)
- Latest