^

Punto Mo

Paano kung manalo?

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

LABINDALAWANG Senador ang iboboto natin sa halalan 2025. Ang Senador ay tagagawa ng batas, hindi taga-entertain o tagapagkaloob ng mga ayuda sa panahon ng kalamidad. Hindi basta-basta ang paggawa ng batas, mangangailangan ito ng malawak na kaalaman at karanasan sa iba’t ibang larangan ng buhay.

Humihingi ito nang malalim na pagkaunawa sa Saligang-Batas ng Pilipinas at sa mga isyung panlipunan. Katalinuhan, kakayahan, katapatan, katalagahan, karanasan, integridad, pagmamahal sa bansa—ilan lamang ito sa mga katangiang dapat taglayin ng isang senador.

Ayon sa Comelec, 184 ang naghain ng kandidatura sa pagka-senador, bagamat maaaring hanggang 66 lamang ang mapabilang sa listahan ng mga maaaring maiboto, ang iba’y mapupuwera sanhi ng iba’t ibang kadahilanan, kasama na ang pagiging “nuisance candidates,” sa madaling-salita, mga panggulo lang.

Kabilang sa mga tatakbo ang mga TV, movie, at sports personalities na malaki ang tsansang manalo dahil sa kanilang popularidad. Kabilang sa mga tatakbo sina Willie Revillame, Philip Salvador, Manny Pacquiao, at Lito Lapid.

Hindi ko naman hinuhusgahan ang kakayahan ng mga personalidad na ito. Naalala ko noong kasikatan ni Dolphy, napakaraming umaamuki sa kanya na tumakbo sa pagka-Presidente, sapagkat halos siguradong siya’y mananalo. Pero hindi siya tumakbo, sa katwirang hindi niya alam ang kanyang gagawin kung sakaling siya’y manalo. Oo nga naman!

Napakahirap mapasok sa gobyerno. Kailangang nagtapos sa kolehiyo, may civil service eligibility, may sapat na kakayahan at karanasan sa puwestong inaaplayan. Pero kung mag-aapply sa pamamagitan ng halalan sa mga elective positions mula sa pagka-Presidente hanggang sa pagiging kapitan ng barangay, hindi kailangan ang mga ito.

Ang hinihingi lamang sa mga kandidato ay ang mga sumusunod: Likas na Pilipino, marunong bumasa at sumulat, rehistradong botante at nakapanirahan sa Pilipinas nang hindi bababa sa dalawang taon. Sa totoo lang, maraming nananalo sa halalan ang nagtataglay ng mga ganyan lamang na kuwalipikasyon.

Dahil sa mababang kuwalipikasyon na hinihingi sa mga kandidato, sangkatutak ang mga tumatakbo kapag may halalan. At ang malungkot, maraming walang kakayahan sa mga posisyong tinakbuhan ang nananalo. Magpapaulit-ulit lang ang kasaysayan hangga’t hindi natin itinataas ang ating pamantayan sa serbisyo publiko.      

Hindi ko talaga maubos-maisip kung bakit mas mataas ang kuwalipikasyong hinihingi sa isang aplikante para sa isang mababang posisyon sa gobyerno, kaysa sa isang kandidato para sa isang mataaas na posisyon na tulad ng senador.

Ikinakatwiran ng iba na ito ang esensiya ng demokrasya at nasa botante naman ang pamimili. Simple lamang daw ang solusyon—huwag iboto ang mga hindi karapat-dapat. ‘Yan mismo ang problema, tila matagal pa bago tayo magkaroon ng mas nakararaming botante na boboto ayon sa kuwalipikasyon ng isang kandidato. 

Kaya ang mas mabilis na solusyon, gumawa ng batas para itaas ang kuwalipikasyon ng mga kandidato sa iba’t ibang posisyon. Ang malaking tanong, sino ang maghahain ng ganyang panukala? At kung mayroon man, makakapasa kaya ang ganitong panukala sa Kongreso?

Hangga’t hindi nababago ang batas, magtitiis tayo sa pagkakaroon ng Presidente na walang muwang sa sining ng pamamahala. O senador na myembro ng Committee on Silence. O kongresista na ang plataporma ay magbigay ng ayuda. O governor na mahusay lang magpatawa. O mayor na sanggano at magaling manuntok. Paano na nga kung ang mga tulad nito ang paulit-ulit na mananalo sa ating halalan? Saan ka na patutungo, mahal kong Pilipinas?

WINNER

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with