Hindi nakasulat ang salary increase sa kontrata
Dear Attorney,
May sapat ba akong dahilan para ireklamo ang kompanya namin dahil sa hindi pagbibigay ng salary increase? Noong job interview kasi ay sinabi na may annual salary increase daw pero kahit isang beses ay hindi naman tumaas ang sahod namin. Wala ring nakasulat sa employment contract namin ukol sa salary increase. —Janine
Dear Janine,
Walang obligasyon ang mga employer na taasan ang sahod ng kanilang mga empleyado, puwera na lamang kung minimum wage earners ang empleyado at itinaas ang mininum wage. Sa ganyang pagkakataon ay kailangang sumunod ng employer at pasahurin ang kanyang mga empleyado batay sa bagong minimum wage.
Kung magkaroon man ng obligasyon ang employer na bigyan ng salary increase ang mga empleyado, ito ay magmumula sa employment contract at sa iba pang kasunduan sa pagitan ng empleyado at ng employer, katulad ng collective bargaining agreement (CBA).
Kung walang nakasulat ukol sa salary increase sa iyong employment contract ay mahihirapan kang patunayan na isa ito sa mga obligasyon ng iyong employer. May tinatawag kasing parol evidence rule sa ating batas kung saan hindi maaring magpresenta ng ebidensiya na magpapatunay na may iba pang napagkasunduan bukod sa kung ano ang mababasa mula sa kontrata.
Kabilang sa ipinagbabawal sa ilalim ng parol evidence rule ang pagpresenta ng mga diumano’y napagkasunduan sa salita lamang upang baguhin o kontrahin ang nilalaman ng isang nakasulat na kontrata. Base rito, malaki ang tsansa na hindi maging paborable sa iyo ang kahihinatnan ng kaso sakaling ikaw ay magsampa ng reklamo.
- Latest