Puwede pa bang magreklamo ng illegal dismissal?
Dear Attorney,
Puwede pa ba akong mag-reklamo kahit apat na buwan na akong natatanggal dahil sa illegal dismissal? —Jack
Dear Jack,
Puwedeng-puwede ka pang maghain ng reklamo ng illegal dismissal.
Kung sa tingin mo, ikaw ay illegally dismissed o tinanggal sa trabaho ng hindi naaayon sa batas, mayroon kang apat na taon para magsampa ng kaso. Ayon sa desisyon ng Supreme Court (G.R. No. 175689, 13 August 2014), apat na taon ang prescriptive period o ang panahong ibinibigay ng batas para sa mga gustong magsampa ng mga reklamo ukol sa illegal dismissal. Kasama na sa panahong ito ang paniningil ng mga halagang dapat na matanggap ng empleyado kaugnay sa illegal na pagkakatanggal sa kanya.
Ang payo ko naman, bagama’t mahaba pa ang panahon para ikaw ay maghain ng kasong illegal dismissal, mas mabuti kung maisasampa mo na ang reklamo sa lalong madaling panahon. Mas madali kasing mangalap ng ebidensiya katulad ng mga dokumento at salaysay kapag ilang buwan pa lang mula nang mangyari ang illegal dismissal kaysa kung ito ay ilang taon na ang lumipas.
Masisiguro mo rin na may hahabulin ka pang kompanya o employer dahil malaki ang posibilidad na magsipaglaho ang mga iyan sa loob ng ilang taon lalo na kung may tinatakbuhan silang mga obligasyon.
- Latest