Walang matatanggap matapos tanggalin
Dear Attorney,
Sampung taon na po ako sa company pero nito lang pong nakaraang linggo ay ipinatawag po kami ng HR at pinapipirma ng notice na nagsasabing may 30 days na lang po kami sa trabaho. Wala pong ibang sinabing dahilan kung bakit bukod sa kailangan lang daw magbawas ng mga empleyado. Wala rin daw po kaming matatanggap. Tama po ba iyon? —Helen
Dear Helen,
Kung ikaw ay isang regular employee at ang pagbabasehan ng iyong pagkakatanggal ay ang sinabi ng kompanya sa inyo na kailangang magbawas ng empleyado ay dapat kayong makatanggap ng separation pay.
Dalawang klase ang pagtatanggal dahil kailangang “magbawas” ng empleyado. Maaring dahil ito sa redundancy o pagkakaroon ng sobrang empleyado o sa “installation of labor-saving devices” o ang pagkakaroon ng mga bagong kagamitan para mapadali ang trabaho. Ang separation pay para sa mga ganyang sitwasyon ay katumbas ng hindi bababa sa 1/2 month salary para sa bawat taon ng naging serbisyo ng empleyado.
Maari rin na dahil ito sa retrenchment o pagbabawas ng empleyado dahil sa pagkalugi o para maiwasan ito o kaya naman ay dahil sa pagsasara ng negosyo na hindi dulot ng labis na pagkalugi. Sa mga ganyang pagkakataon ay katumbas ng one month salary para sa bawat taon ng serbisyo ng empleyado ang matatanggap na separation pay.
Ayon sa iyo ay sinabihan na kayong wala kayong matatanggap. Sapat ng basehan ang hindi pagkakaroon ng separation pay para kayo ay mag-reklamo. Pero maari niyo rin kuwestiyonin ang tuluyan niyong pagkakatanggal kung ang gusto n’yo ay ang manatili sa pagtatrabaho. Nasa kompanya na kasi para patunayan na may sapat na basehan para magpatupad ng retrenchment o redundancy at kung wala namang sapat na basehan ang employer ay masasabing may illegal dismissal at kailangang i-reinstate kayo bilang mga empleyado.
- Latest