^

Punto Mo

Spiritual abuse, pinakamalalang pang-aabuso

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

PAGKATAPOS ng halos limang buwang pagtatago, naaresto rin ng PNP si Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy, bagamat iginigiit ng kampo nito na hindi naaresto ng pulisya, kundi kusang sumuko sa militar. Anuman ang totoo, isang bagay ang hindi mapapasubalian—lahat ng bagay ay may katapusan.

Diyos lang ang walang katapusan. Siya ang kahapon, ngayon, at bukas. Kaya kung totoo ang sinasabi ni Quiboloy na siya ang Hinirang na Anak ng Diyos, hindi sana nangyari ang nangyari sa kanya. Hindi sana nabahiran ng putik ang kanyang pagkatao. Hindi sana gumuho ang kanyang kapangyarihan. Hindi sana siya naging pugante. Siyempre, todo-tanggol pa rin ang kanyang abogado. Ikinumpara nito si Quiboloy sa mga apostol ni Hesus na nakaranas ng pag-uusig.

Pero hindi katulad ng mga apostol na pinag-usig dahil sa kanilang pananampalataya kay Hesus, si Quiboloy ay pinag-uusig dahil sa diumano’y paglabag sa batas, tulad ng human trafficking at rape. May warrant of arrest siya mula sa dalawang korte, maging sa Senado at Kamara.

Noong 2021, nagpalabas ang U.S. ng warrant of arrest laban kay Quiboloy dahil sa mga kasong human trafficking, pang-aabuso ng mga bata, panloloko, pamimilit, at pagpupuslit nang malaking halaga ng dolyar sa U.S. Kabilang siya sa Most Wanted List ng FBI noong 2022. Kasama pa sa mga akusasyon laban kay Quiboloy ang pagre-recruit ng magagandang kababaihang tinaguriang “pastoral” na kabilang sa serbisyo ng mga panggabi ay ang mga aktibidad sekswal.

Sino ang mag-aakala na makukulong si Quiboloy rito sa atin at posibleng mapakulong pa sa U.S. sa pamamagitan ng extradition, gayong super-rich ito, makapangyarihan, makoneksyon, malakas sa mga Duterte, sa korte, sa pulis, sa militar? Wala talagang lihim na hindi nabubulgar. Lilitaw at lilitaw ang katotohanan na magpapalaya sa tao mula sa kasinungalingan at kamangmangan.  

Karaniwan tayong nakakabalita ng pang-aabuso ng mga pulitiko o taong-gobyerno, kasama na ang mga pulis at militar. Pero ang higit na nakakadurog-pusong pang-aabuso ay ang kinasasangkutan ng mga lider ng simbahan. Maaari natin itong tawaging spiritual abuse. Ang simbahan ang dapat na pinakaligtas na lugar na maaaring puntahan ng mga tao, lalo na ng mga inosenteng bata. Paano kung sa loob mismo ng simbahan ay nagaganap ang pang-aabuso, pagmamalupit, panloloko, at pagyurak sa karapatan at dignidad? Saan pa tayo pupunta? Ang ipinagkakatiwala natin sa mga lider ng simbahan ay ang ating mga kaluluwa, ang pag-asa natin para sa buhay na walang hanggan. Paano kung sa impiyerno pala tayo dinadala ng mga ito?

Kailangan tayong maging mapagmatyag sa lahat ng sandali. Dalawang libong taon na ang nakararaan ay nagbabala na si Hesus sa paglitaw ng mga bulaang propeta. Ito ang mga lider ng relihiyon na nag-aakalang sila’y diyos dahil ang kanilang salita’y sinusunod na parang batas, niluluhuran silang parang diyos, nabubuhay sila sa labis na kasaganaan, at nasa mga kamay nila ang kapangyarihang walang kumukuwestiyon. Ang ganitong relihiyon o sekta ay nauuwi sa kulto. Ang kulto ay nakakakulta ng puso’t isip.

Magkakaroon lamang ng mga Quiboloy kung ang mga miyembro ng simbahan ay hindi nagsasaliksik ng Banal na Kasulatan, kung ang sentro ng simbahan ay ang personalidad, sa halip na si Hesus.

APOLLO QUIBOLOY

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with