‘Kutsara’
(Last part)
MALALIM ang dahilan kaya ako nagkaroon nang matinding pagkahumaling sa kutsara. Ang kutsara ang dahilan kaya ako nakaligtas sa tiyak na kamatayan.
Noon ay nasa grade 5 ako. Tuwing Sabado na wala kaming pasok sa school ay tumutulong kaming magkakapatid sa aming mga magulang sa pagtatanim ng palay.
Mayroon kaming limang ektaryang lupain na tinataniman ng palay. Ang lupain ay napapaligiran ng bundok. Mistulang na-sandwich ang aming lupang sakahan. Sabi ng mga kabaryo namin, suwerte raw kami sapagkat napapagitnaan ng bundok ang aming lupang taniman. May pananggalang sa hangin kapag bumabagyo kaya hindi masisira ang mga palay. Tama naman dahil maraming beses na nakaligtas ang aming palay sa bagyo at nakapag-aani kami nang maayos.
Pero mula nang may mangyari sa akin, hindi pala safe na nasa pagitan ng bundok ang taniman.
Matindi ang pag-ulan noon. Ako ang naiwan sa aming kubo na nasa paanan ng bundok sapagkat ang aking mga kapatid ay nasa bayan at bumibili ng aming kakainin sa loob ng isang linggo. Sina Itay at Inay ay nauna sa gitna ng bukid para mag-alis ng damo sa mga palay.
Nasa kusina ako at naghuhugas ng mga pinggan at kutsara nang bigla akong makarinig ng ugong. Kasunod ay ang pagragasa ng lupa at putik mula sa bundok. Sa isang iglap, nilamon ang kubo. Wala akong makita dahil sa dami ng lupa. Mabuti at nakakubli ako sa ilalim ng abuhan kaya nakaligtas sa ragasa ng putik.
Naghagilap ako nang maaring ipanghukay para makalabas sa kulungang lupa. Isang bote ng toyo at dalawang kutsara ang aking nakita.
Tinuktok ko ang kutsara sa bote ng toyo para may makarinig sa akin. Sunud-sunod ang ginawa kong pagtuktok sa bote.
Siguro ay mga isang oras na akong tumutuktok nang makarinig ako ng usapan ng mga tao. Sina Itay at mga kasama na hinuhukay ang kinaroroonan ko. Nilakasan ko pa ang pagtuktok at nailigtas nila ako.
Sabi ni Itay, malaking tulong ang ginawa ko kaya madaling natunton ang kinaroroonan ko.
Mula noon, nagkaroon na ako nang matinding pagkahumaling sa kutsara—ito ang nagligtas sa akin sa kamatayan.
- Latest