Padrino system, umiiral pa sa PNP!
MAGRERETIRO na si Lt. Gen. Emmanuel Peralta, ang Deputy Chief for Administration, o No. 2 man ng PNP, kaya matic na magkakaroon ng balasahan sa kapulisan. Mag-chief PNP sana si Peralta. Naudlot lang! Dipugaaa! Sa totoo lang, bukas pa ang 56th birthday ni Peralta subalit kahapon pa lang ay nilisan na niya ang opisina dahil holiday ngayon. Ginusto ni Peralta na mag-retire without fanfare at hindi na nag-avail ng testimonial dinner. Imbes, nag-get-together si Peralta ng kanyang kaklase sa PMA Class ’91 at mga malapit niyang opisyal noong Sabado sa PRO1 headquarters sa La Union kung saan naging regional director siya bago malipat sa Camp Crame. Mismooo!
Sa pagretiro ni Peralta, matic sana na ang papalit sa kanya ay ang kaklaseng si Lt. Gen. John Michael Dubria, Deputy Chief for Operations ng PNP. Kaya lang mukhang hindi na naman makukuha ni Dubria ang puwesto dahil ayon kay kosang CNN, “durian fruit” siya. Matatandaan na si Dubria rin sana ang mag-DCA sa pagretiro ng nakaraang taon ni Gen. Rhodel Sermonia. Subalit nilaktawan siya ni Peralta sa kadahilanang umiinit ang bangayan noon nina Tatay Digong at Palasyo sa samu’t saring isyu. Kaya kung mauulit ang lufet ng tadhana kay Dubria, lalampasan na naman siya ng isa pang kaklase na si Lt. Gen. Jon Arnaldo, ang Chief of Directorial Staff. Nakakasira talaga ng PNP ang pulitika, ‘no mga kosa?
At kapag nabakante ang TCDS, maraming pangalan ang umugong na kandidato dito dahil 3-star rank na ito. Puwedeng kunin ito ng mga kababayan kong sina Lt. Gen. Robert Rodriguez ng APC Visayas at Maj. Gen. Neil Alinsa?gan, Comptroller ng PNP. Sina Rodriguez at Alinsa?gan ay miyembro ng PMA Class ’91 at kaklase ni PNP chief Rommel Francisco Marbil. Ang isa pang kandidato ay si NCRPO chief Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez ng PMA Class ’92 na true-blood Ilocano at ginu-groom na magiging PNP chief. Aalis kaya si Nartatez sa NCRPO, kung saan naging best regional director siya ng nakaraang PNP anniversary? Sa NCRPO may kaharian si Nartatez, samantalang sa TCDS “bastonero” siya. Kapag nawala sa limelight si Nartatez, baka makalimutan siya.
Kaya lang hindi naman uso sa ngayon ang accomplishments para ma-promote sa PNP kundi ang tinaguriang, “whom you know”. Open secret naman ‘yan na kapag wala kang padrino, mamumuti na ang mata mo sa kahihintay hindi ka pa rin papalarin na makapuwesto sa Command Group, Directorial Staff, Regional Directors at Support Units commander. Ang mga binabanggit ng mga kosa ko na malakas na padrino ay sina Executive Sec. Lucas Bersamin, DILG Sec. Benhur Abalos, Popong Felix, House Speaker Martin Romualdez, Ricardo de Leon, at SAP Anton Lagdameo. Kapag tinanguan ka ng “all of the above,” puwede ka nang magkuya-kuyakoy dahil swak ka sa puwestong gusto mo. Ganyan kahirap mag-promote sa PNP. Kaya kapag naupo na ang mga opisyal sa puwesto, may tangan na kaagad silang “utang na loob”. Paano titino ang PNP? Abangan!
- Latest