EDITORYAL - Pulis ng mamamayan hindi tagapayong lang
HINDI na papayungan ng mga mabababang ranggong pulis ang mga may mataas na ranggo, ayon sa kautusan ni PNP chief Gen. Rommel Marbil. Sabi ni Marbil, nakaugalian na raw na laging may dalang payong ang patrolman at corporal at handang payungan ang nakatataas na opisyal sa gitna ng sikat ng araw o ulan man.
Tama ang kautusang ito. Ang tingin tuloy sa mababang ranggong pulis ay alipin ng nakatataas na opisyal. Kawawa naman ang pulis na tagapayong lang.
Mabuti at napansin ni Marbil ang ganitong kalakaran at ipinag-utos na itigil na ang pagpapayong ng mga pulis na may mababang ranggo sa mga nakatataas na opisyal. Tanging si Marbil ang PNP chief na nakapansin ng ganitong gawain na pinapayungan ang nakatataas na opisyal. Hindi tama ito ayon sa PNP chief.
“Ipinagbabawal ko na po, ‘yung mga pulis natin everytime we have anniversary nakakakita po tayo ng mga pulis natin na naka-uniform specially yung mga corporal yung mabababa natin sila ang nagdadala ng mga payong. Hindi na po puwede yan. Hindi po tama yan! Hindi po ganyan ang trabaho ng pulis. Let us respect our uniform. Ipakita natin na tayo ay taong may dignidad, hindi po tayo tao na basta-basta. Pulis po tayo hindi tayo bodyguard, hindi po tayo driver, hindi po tayo alalay, hindi po tayo bayaran, pulis po tayo! Pulis tayo ng bayan, pulis tayo sa lahat!” mariing sabi ni Marbil kamakailan.
Bakas sa pananalita ni Marbil ang kaseryosohan sa sinabi. Ayaw na niyang makita na may mabababang ranggong pulis na mistulang alipin na nagpapayong sa mga nakatataas na opisyal. Tama ang sinabi ni Marbil na ang mga pulis ay hindi bayaran kundi pulis ng bayan—pulis ng lahat.
Sa mga sinabi ni Marbil, dapat mas masaktan ang mga nakatataas na opisyal na nasanay nang pinapayungan ng mabababang ranggong pulis. Kung mayroon silang delikadesa, dapat sila ang magsabi na huwag silang payungan. Pagsabihan nila ang mga magpapayong sa kanila na kaya nilang mag-isa. Sila na ang tumanggi kung mayroon silang kahihiyan.
Hindi ang mga nakatataas na opisyal ang dapat pagsilbihan ng mga mabababang ranggong pulis kundi ang sambayanan. Sundin ang kautusan ni Marbil sapagkat tama ito.
- Latest