^

Punto Mo

EDITORYAL - Matatahimik na ang kaluluwa ng kadete

Pang-masa
EDITORYAL - Matatahimik na ang kaluluwa ng kadete

MASUWERTE pa rin ang namayapang PMA cadet Darwin Dormitorio sapagkat limang taon lamang ang ipinaghintay ng kanyang mga kaanak bago nakamit ang hustisya. Namatay sa hazing si Dormitorio—kagagawan ng upper classmen. Ngayong nahatulan na ang mga killer ni Dormitorio, matatahimik na ang kanyang kaluluwa.

Noong Biyernes, hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ang mga dating PMA cadets na sina Shalimar Imperial Jr., Felix Lumbag Jr., at Julius Carlo Tadena dahil sa ginawang hazing kay Dormitorio na ikinamatay nito. Ipinataw ni Judge Ligaya Itliong-Rivera ng Baguio City Regional Trial Court Branch 5 ang hatol sa tatlo. Bukod sa pagkabilanggo, pinagbabayad din ng korte si Tadena ng P2-milyon bilang danyos samantalang P185,000 naman kina Imperial at Lumbag. Napatunayang guilty ang tatlo sa pagkamatay ni Dormitorio noong Setyembre 18, 2019.

Namatay si Dormitorio dahil sa mga malubhang pinsala sa iba’ t ibang bahagi ng katawan. Sa imbestigasyon, pinaggugulpi si Dormitorio matapos maiwala nito ang pares ng boots ng isang senior cadet. Namatay si Dormitorio dahil sa matinding palo at base sa mga imbestigasyon, biktima siya ng hazing at pagmamaltrato ng kapwa kadete sa PMA.

Naisilbi ang hustisya kay Dormitorio at magsilbi sana itong aral sa iba pang kadete na naging uhaw sa dugo ng kanilang kapwa kadete. Walang puwang ang kanilang masamang gawain lalo pa’t tinitingala ang PMA. Dinungisan nila ang magandang pangalan ng akademya. Sana ang ginawa ng tatlo ang huling dungis sa PMA.

Sa pagkakamit ni Dornitorio ng hustisya, ma­kamtan na rin sana ito ng pamilya nang marami pang biktima ng hazing na hanggang ngayon ay patuloy na naghihintay at umaasa.

Naghihintay ng hustisya ang pamilya ni John Matthew Salilig, estudyante ng Adamson University na pinatay noong Pebrero 18, 2023 ng mga miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity. Pinalo siya ng paddle ng 70 beses. Pagkatapos patayin, nilibing siya sa bakanteng lote sa Biñan, Laguna.

Hustisya rin ang hinihiling ng pamilya ni Reymart Madraso, 18, estudyante, ng Kalayaan, Laguna na namatay sa fraternity hazing noong Marso 2022.

Noong Pebrero 2021, namatay din ang 23-anyos na Criminology student na si Omer Despabiladera ng Solis Institue of Technology sa Bulan, Sorsogon dahil sa hazing ng Tau Gamma fraternity.

Noong Setyembre 2017, namatay ang UST law student na si Horacio ‘‘Atio” Castillo sa kamay ng mga miyembro ng Aegis Juris fraternity.

Makamit na rin sana nila ang hustisya tulad ni Cadet Dormitorio.

SOUL

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with