‘Typewriter’
(Part 3)
NASA high school ako noon at madalas pumunta sa bahay nina Lola Pelagia na dalawang kalye lamang ang layo sa aming bahay. Ako lamang kasi ang apo niya na nakatira malapit sa kanya. Ang iba kong pinsan ay nasa malayong bayan at ang iba ay nasa Maynila. Mula nang mamatay si Lolo Pedrito ay ang bunsong kapatid ni Mama na isang guro ang kasama ni Lola. Si Lolo Pedrito ay dating typist sa munisipyo at isa ring makata na nakapagpalathala ng tula sa Liwayway noon. Ang gamit ni Lolo ay isang antigong typewriter na nasa salas ng bahay. Inaalagaan ni Lola sa pagpapalinis ang typewriter ni Lolo.
Madalas, natutulog ako sa bahay ni Lola kapag Sabado at Linggo. May sarili akong kuwarto sa bahay.
Minsan, bumangon ako ng madaling araw dahil ihing-ihi ako. Bago makarating sa banyo ay lalampas muna sa salas na kinaroroonan ng typewriter. Nagulat ako sapagkat may narinig akong tagaktak ng typewriter mula sa salas. Naisip ko na baka ginagamit ni Tita ang typewriter para sa kanyang pagtuturo.
Dahan-dahan akong naglakad at sinilip kung may tao sa salas. Walang tao. Walang nagta-type!
Kahit naninindig ang aking balahibo, nagtungo pa rin ako sa banyo at umihi. Hindi na ako sumulyap sa salas. Tumigil naman ang naririnig kong tagaktak ng typewriter. Nagtaklob ako ng kumot sa pagtulog.
Kinabukasan, sinabi ko kay Lola ang narinig na tagaktak ng typewriter. Nabahala si Lola sa aking sinabi.
(Itutuloy)
- Latest